Sa loob mahigit isa’t kalahating taon, naging kakabit na ng salitang “Rodrigo Duterte” ang extrajudicial killings. Ngunit bakit? Silipin ang mga estadistikang patunay ng kanyang pasistang pamumuno.

PasismoInfog
(Source: Karapatan, July 2016-November 2017)

Gera kontra-droga

Pinakatampok sa kampanya ni Duterte ay ang kanyang gera kontra droga, kung saan 13,000 ang nasawi. Ilan dito ay napatunayang pasuko na nang barilin o inosente. Imbes na rehabilitasyon, pag-ugat sa problema ng droga, at paghabol sa malalaking sindikato, kamatayan ang tugon ng gobyerno sa mamamayan. Karamihan sa mga biktima ay mahihirap. Kilala ang programa sa iba’t ibang pangalan: Oplan Tokhang, Oplan Double Barrel, at Double Barrel Reloaded.

Maging ang kabataan ay hindi ligtas sa gerang ito. Nariyan ang kaso ni Kian Delos Santos, 17-anyos, na napatay matapos mapagbintangang “drug runner” sa kanilang barangay. Ayon sa pulis ay nanlaban daw ang biktima nang sila’y paputukan. Bagama’t nakita ang baril sa kaliwang kamay ni Delos Santos, “right-handed” naman daw ang bintailyo sabi ng kanyang ama. Ayon sa ilang saksi, nagmakaawa pa ang biktima bago siya barilin.

Hindi naman nalalayo rito ang sinapit nina Carl Arnaiz, dating estudyante ng UP, at kaibigan niyang si Reynaldo “Kulot” De Guzman, 14 anyos. Nakita na lamang sa morge ang katawan ni Arnaiz matapos mapagbintangang nangholdap ng taxi. Gayonpaman, nakitaan ng mga marka ng torture ang kanyang katawan. Natagpuan naman ang bangkay ni Kulot sa Gapan City, Nueva Ecija 20 araw matapos silang mawala ni Carl.

Programang kontra-insurhensya

Hindi natatapos sa isyu ng droga ang serye ng pamamaslang sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Idinidirekta rin ng gobyerno ang armadong lakas nito upang supilin ang makatwirang paglaban ng mga ligal na aktibista. Umaabot na sa 113 ang mga pulitikal na pamamaslang matapos ang serye ng pananakot ni Duterte sa mga tinatawag niyang “front organizations” ng CPP-NPA.

Nitong Nobyembre, pinagbabaril ng mga pinaghihinalaang pwersa ng gobyerno sina Elisa Badayos ng Karapatan-Central Visayas at Eliotero Moises na kasapi ng Mantapi Ebwan Farmers Association. Kasama sila sa isang fact-finding team na mag-iimbestiga sana sa human rights abuses ng militar sa mga bayan ng Bayawan at Sta. Catalina sa Negros Oriental.

Mga miyembro ng fact-finding mission sa Negros Oriental noong Nobyembre 28

Mga miyembro ng fact-finding mission sa Negros Oriental, kabilang ang mga nasawing sina Elisa Badayos at Eliotero Moises

Sa Nueva Ecija, pinagbabaril ang paring Katoliko na si Fr. Marcelito “Tito” Paez habang nagmamaneho. Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines, isa siya sa mga nag-asikaso ng palglaya ni Rommel Tucay, isang political detainee. Napatay naman si Pastor Lovelito Quiñones ng Police Regional Mobile Group sa Mansalay, Oriental Mindoro matapos mapagbintangang miyembro ng New People’s Army. Kwento ng kanyang pamilya, pauwi na sana ang pastor nang mangyari ang insidente.

Minasaker naman ng 27th at 3rd infantry battalion at marines ang walong Lumad matapos pasukin ang taniman ng mga T’boli at Dulangan Manobo sa South Cotabato. Tinatayang 400 pamilyang Lumad ang bumawi ng kanilang lupain sa naturang lugar mula sa kumpanyang David M. Consunji Inc. (DMCI).

Bagama’t papatindi ang atake ng estado, kinakailangan itong sabayan ng ibayong paglaban ng mamamayan. Kinakailangang maibagsak ang napipintong diktadura ng Pangulong Duterte na siguradong magbubunsod pa ng mas matitinding karahasan at patayan. #

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *