Ang taong 2011 ay taon ng krisis, pagkamulat, at papatinding paglaban. Sa buong mundo, dumadami ang mamamayang lumalaban para sa kanilang krisis: mula sa mga taga-Tunisia at Egypt na nagpatalsik ng mga diktador, estudyanteng naka-welga sa Chile, nagpo-protestang manggagawa sa Greece, kabataan sa England, ‘Occupy Wall Street’ sa U.S, at mga gerilya sa India at Turkey.

Sa Pilipinas, patuloy ang pagkawala ng dilaw na kinang ng Rehimeng U.S-Aquino dahil sa pagtindi ng kahirapan at iba’t-iba pang isyu na sumusulpot. Kasabay nito, lumalaki ang bilang ng mamamayan na lumalaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Subalit hindi ito pinapakita sa mga ‘Year Ender’ ng mga corporate media tulad ng mga estasyon ng TV at mga pahayagan. Para sa mamamayan na gustong mag-balik tanaw sa ating pakikibaka noong 2011, ito ang Balik-Tanaw sa 2011 ng Anakbayan, at sa kinaharap ng makabayang kilusan ng kabataan sa bansa.



SAHOD, TRABAHO, AT PRESYO

Sunod-sunod na pagtataas ng mga presyo at patuloy na pambabarat sa sahod ng mga manggagawa ang kinaharap natin ngayong 2011. January palang, inanunsyo na ng gobyerno na ipapatupad ang 100% LRT-MRT fare hike at halos linggo-linggo ang pagtaas ng presyo ng langis. Pinatawan rin ng Value Added Tax (VAT) ang toll sa mga expressway noong October.

Naglunsad ang Anakbayan ng linggo-linggong ‘Black Friday’ protests sa mga estasyon ng LRT at MRT noong Enero at Pebrero. Nag-’sitdown protest’ ang mga kabataan sa Legarda Station ng LRT-2 noong January 21 na bahagyang nagparalisa sa operasyon doon. Hinarangan naman ang opisina ng Dept. of Transport and Communication (DOTC) noong February 25, anibersaryo ng EDSA 1. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin pinapatupad ang LRT-MRT fare hike.

Pansamantala namang isinara ng mga kabataan ang opisina ng Pilipinas Shell sa Makati noong March 15. Lumahok rin ang Anakbayan sa protest caravan ng PISTON papuntang Mendiola noong March 30. Sa harap ng mga protesta, naglabas ang gobyerno ng programang ‘Pantawid Pasada’. Agad rin itong kinondena bilang ‘barya-barya’, halos walang tulong sa kabuhayan ng mga drayber at operator, at pag-iwas sa ugat ng mga oil price hike. Sumunod naman ang pambansang transport strike ng PISTON noong September 19 na muling sinuportahan ng Anakbayan. Dito unang tumatak sa publiko ang ‘planking’ bilang porma ng protesta.

Bilang miyembro ng Koalisyong Progresibo ng Manggagawa at Mamamayan, isinulong ng Anakbayan ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod. Kasama ito sa mahigit 10,000 na kumilos sa Pandaigdigang Araw ng Paggagawa sa Metro Manila. Nagsimula na rin ang pagtayo ng mga Chapter Organzing Committee (COC) sa ilang mga pabrika at konsentrasyon ng kabataaang manggagawa bilang unang hakbang ng pagtatayo ng mga chapter doon.



PABAHAY AT KONTRA-DEMOLISYON

Kasama ang Anakbayan sa mga matagumpay na pagtatanggol sa mga komunidad ng maralitang taga-lungsod sa Metro Manila na binantaan ng demolisyon nung unang kwarto ng 2011: North Triangle sa Q.C, at Corazon de Jesus sa San Juan. Kinondena nito ang pasismo ng gobyerno sa mga demolisyon sa Laperal sa Makati, San Roque sa Navotas, at Commonwealth sa Q.C. Kasama ang bantang demolisyon rin sa Intramuros sa Maynila, inilantad ng Anakbayan ang mga ito bilang bahagi ng polisiyang ‘Public-Private Partnership’ ng gobyernong Aquino.



KARAPATANG PANTAO

Tumitindi ang pasismo at paglabag ng karapatang pantao ng militar noong 2011. Pinaslang ng mga sundalo si Kenneth Reyes, kasapi ng Anakbayan-Batangas at barangay captain sa kanilang lugar, noong April 11. Pinaslang naman ng mga pulis si Jerwin Antonio, kabataang mangingisda at miyembro ng Anakbayan-Batangas, noong April 21.

Sa harap nito, patuloy ang pangungunsinti ng gobyernong Aquino sa paglabag ng karapatang pantao ng militar at pulisya. Noong April, inabswelto ng Commission on Human Rights, sa ilalim ng dating opisyal ng Akbayan na si Etta Rosales, ang Armed Forces of the Philippines sa pagdukot sa aktibistang Fil-Am na si Melissa Roxas noong 2009. Walang imik rin ang CHR sa marahas na dispersal ng pulis sa ‘Occupy Mendiola’ noong December 7 kung saan 49 na kabataan ang binugbog.

Ngayong taon rin lumabas sa YouTube ang mga bidyo ng pag-torture ng militar sa mga bagong rekrut nito. Nanawagan ang Anakbayan sa mga kabataan na huwag pumasok sa AFP, at sa mga kabataang sundalo na mag-dalawang-isip sa kanilang pagsali sa napaka-brutal at kurakot na institusyon.

Ang pagsampa naman ng mga kasong kriminal kay General Jovito Palparan ngayong December ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapanagot sa mga lumalabag sa karapatang pantao sa militar at gobyerno. Bagama’t napigilan si Palparan sa pagtakas papuntang Singapore noong December 19, nagtago naman siya at nananatiling nawawala.



PAMBANSANG KALAYAAN AT KONTRA-IMPERYALISMO

Kinondena ng Anakbayan ang pambobomba ng Estados Unidos at North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa bansang Libya nung Marso. Bukod sa paglalagay sa kapahamakan sa mga sibilyan, kasama ang libo-libong OFWs, ito ay pamamaraan para makontrol ng U.S ang malalawak na reserba ng langis sa Libya. Naglunsad ang mga kabataan ng mga flag-burning sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila, at isang lightning rally sa harap ng U.S Embassy nung Marso 22.

Sinalubong naman si U.S State Secretary Hillary Clinton ng sunod-sunod na mga protesta sa kanyang pagbisita noong November 15-16. Sa unang araw, kasama ang Anakbayan sa martsa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) papuntang U.S Embassy. Sa sumunod na araw, hinarang naman ng mga kabataan ang convoy ni Hillary, na nagmula sa Palasyo, at pinagbabato ng pulang pintura. Sa kanyang pinuntahang forum, sinalubong naman siya ng ‘lightning rally’ ng campus journalist na si Marjo Tucay.

Buong-taon na inilalantad ng Anakbayan ang pagiging papet ni Noynoy ng imperyalistang U.S: sa mungkahing ibalik ang mga base militar ng U.S sa Pilipinas, patuloy na pagbayad ng mga utang panlabas (lalo na sa mga dayuhang bangko at korporasyon), pagbenta ng bagong-diskubre at napaka-laking mga reserba natin ng natural gas sa U.S, at patuloy na panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa ating bansa.


REPORMA SA LUPA

Wala na sigurong mas angkop na simbolo sa pagiging kontra-mamamayan ng gobyernong Aquino ang pananatili ng 6,000-ektaryang Hacienda Luisita sa kamay ng mga landlord na kamag-anak ni Noynoy. Ngayong 2011, makasaysayan ang inabot ng pakikibaka ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita, at ng iba pang peasante, para sa tunay na reporma sa lupa.

Kasama ang Anakbayan sa July 22 Inter-Faith Rally ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), at mga magsasaka ng Hacienda Luisita, para kondenahin ang patuloy na kawalan ng aksyon ng gobyerno sa pamamahagi sa Luisita. Maraming mga miyembro ng Anakbayan mula sa Metro Manila at Gitnang Luzon ang lumahok sa ‘Bungkalan’ ng mga magsasaka ng Luisita noong August 5-6. Isa itong porma ng protesta para igiit ang kanilang pagmamay-ari sa lupa at mapakinabangan nila ito.

Noong November 24, lumabas ang makasaysayang desisyon ng Supreme Court na inaatasan ang mga Cojuangco-Aquino na sa wakas ay ipamahagi na ang Luisita sa mga magsasaka. Agad itong tinangkang isabotahe ni Noynoy: sa panawagang bayaran ng mga magsasaka ang lupang sa kanila naman talaga (just compensation), ipailalim ang Luisita sa huwad na programang CARPER, at pagsusulong ng impeachment kay SC Chief Justice Corona.

Agad itong kinondena ng Anakbayan at nangakong susuportahan ang mga magsasaka, at manatiling mapagbantay sa nasabing isyu.


EDUKASYON AT SERBISYONG PANLIPUNAN

Agad tinayo ang koalisyong KILOS NA LABAN SA BUDGET CUTS, kung saan kabahagi ang Anakbayan, pagkatapos ianunsyo ang proposed 2011 national budget. Kinondena ang pagkaltas sa pondo ng mga State Universities and Colleges (SUCs) at kalusugan, pati na rin ang napakababang pondo sa basic education at pabahay. Daan-daan ang nagmartsa papuntang Kongreso noong August 25 kasabay ng pagdinig ng mga mambabatas sa budget proposal.

Sa harap ng pagbibingi-bingihan ng gobyerno, ipinutok ang pambansang strike sa mga paaralan laban sa budget cuts noong Sept. 20 hanggang 23. Lumahok ang mga paaralan sa La Union, Baguio, Pampanga, Bulacan, Laguna, Bicol, Iloilo, Tacloban, Cebu, Davao, at Zamboanga. Sa Metro Manila, mahigit 10,000 ang nag-martsa papuntang Mendiola noong 2006. Para pahupain ang mga protesta, nagdagdag ang gobyerno ng pondo sa mga SUCs, subalit P200 milyon lang ito at sa isa lamang binigay (UP Phil. General Hospital).

Nagpatuloy ang mga protesta kontra-budget cut noong November. Kasabay nito ang halos linggo-linggong rally ng mga estudyante ng Philippine Maritime Institute (PMI) sa harap ng opisina ng Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City laban sa pagpapasara ng dalawang kurso doon. Noong Nobyembre 29, sinugod ng mga estudyante ng parehong pampubliko at pribadong paaralan ang opisina ng Phil. Cocount Authority sa Q.C habang nagpupulong ang mga mambabatas hinggil sa 2012 budget, subalit nakatakas ang mga mambabatas.

Inaprubahan ng gobyerno ang 2012 budget noong December 15, Pero halos kasabay rin nun ang biglang pagbigay ng temporary restraining order (TRO) sa pagsasara ng nasabing dalawang kurso sa PMI.


KALIKASAN

Sumambulat sa mamamayan ang epekto ng pagwasak sa kalikasan sa mga baha na dulot ng bagyong Sendong. Bagama’t mas mahina ito kumpara sa mga nakaraang bagyo ngayong taon, mahigit isang libo ang namatay sa mga rumagasang baha noong December 17-18.

Kinondena ng Anakbayan ang mga baha bilang resulta ng mga polisiya ng rehimeng Aquino. Patuloy ang pagkalbo ng mga gubat dahil sa pagpapatuloy ng large-scale mining, commercial logging, at mga plantasyon ng mga agricultural corporations. Kasama rin ang budget cut ni Aquino sa pondo para sa disaster preparedness, at kakulangan ng pondo para sa pabahay kaya tumitira ang mga maralita sa mga madaling bahaain na lugar.

Agad tumugon ang Anakbayan sa panawagan para sa tulong at binuhay ang Tulong Kabataan network.



OCCUPY MENDIOLA

Sa harap ng pagpapasa ng gobyernong Aquino sa 2012 budget kahit na tinututulan ito ng mamamayan, nanawagan ang Anakbayan at iba pang grupo ng kabataan para sa ‘Kampuhan Kontra Kaltas, Krisis, at Kahirapan’, o mas kilala bilang ‘CampOut PH’ sa Mendiola simula December 6.

Sa unang araw, ang mga kabataan at estudyante ay sinamahan ng mga guro, kawani ng gobyerno, at health workers. Hinarangan sila sa intersection ng Morayta at Recto kung saan pinukpok sila ng mga pulis at binomba ng tubig. Itinayo nila ang kampuhan sa Plaza Miranda, kung saan binisita sila at binigyan ng tulong ng maraming karaniwang mamamayan.

Sa ikalawang araw, sinamahan naman sila ng mga manggagawa at nagtangka muli umabot sa Mendiola. Pagkatapos mapaatras ang pulis ng tatlong beses, muli silang pinukopok at binomba ng tubig. Di nakuntento, binugbog ang mga naipit sa mga side street at yung mga naaresto. Pinaghahabol habang patuloy na pinagpapalo at pinagsusuntok ang mga ‘Campers’. Lima ang naaresto, tatlo ang dinala sa ospital, at 49 ang sugatan. Dito nailantad ang paranoia ng gobyerno: kinasuhan (pero ibinasura rin ng Korte) ng sedition ang mga naaresto at nagbantang kasuhan ng rebelyon ang mga lider ng mga progresibong organisasyon. Nagsimulang dumating ang mga kabataan at estudyante mula sa mga malalapit na probinsya. Patuloy ang pagdagsa ng suporta mula sa masa.

Sa ikatlong araw, dumating naman ang mga migrante at mga pamilya nila at naglunsad ng prayer rally para sa pagpapalaya ng tatlong Pilipino na nasa death row sa Tsina. Patuloy ang pagdagsa ng mga kabataan mula sa loob at labas ng Metro Manila, pati ang suporta ng iba pang mamamayan tulad ng mga empleyado ng bangko, call center, atbp. Patuloy silang ‘di makatuntong sa Mendiola dahil sa libo-libong pulis na pinapunta ng Palasyo.

Sa pang-apat na araw, kinaharap ng mga ‘Campers’ ang matitinding ulan buong araw. Lumipat sila sa Liwasang Bonifacio kung saan naglunsad rin sila ng konsyerto bago matulog.

Sa ika-limang araw nito, nakatuntong sa wakas ang mga ‘Campers’ sa Mendiola kasama ang libo-libo pang mamamayan na ginunita ang International Human Rights Day.

Sa buong limang araw ng protesta, nailantad ang takot ng gobyernong Aquino sa simpleng konsepto ng ‘tunay na pagbabago’, bagay na mapapansin sa buong nagdaang taon. Pinabulaanan rin nito ang pahayag ng gobyerno na ‘hindi kailangan’ at ‘hindi posible’ ang pagkakaroon ng ‘Occupy’ na protesta sa Pilipinas.


2012

Tinatawag sa kulturang popular ang 2012 bilang ‘katapusan ng mundo’. Pero kung ang pagbabatayan ang 2011, ang bagong taon ay taon ng papatinding pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan, mas malaking hamon para sa mga aktibista, at isang malaking hakbang tungo sa isang lipunang tunay na makatao at makatarungan. Tunay na may magugunong mundo sa 2012: ang mundo ng mga naghaharing uri sa Pilipinas at sa buong mundo.