Kauna-unahang kampuhan ng mga Lumad sa UST at pakikibaka ng mga Tomasino para sa pambansang minorya

UST

Sa unang pagkakataon, matagumpay na ilunsad ang kampuhan ng 50 delegadong Lumad sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) noong Setyembre 11-21, 2017 sa pagtutulungan ng mga progresibong grupo sa loob at labas ng pamantasan bilang bahagi ng Lakbayan ng Pambansang Minorya.

Nagbigay ng pagkakataon ang kampuhan sa libo-libong mga Tomasino na marinig ang mga salaysay ng mga katutubong Lumad mula sa Isla ng Mindanao at malaman ang kanilang paraan ng pamumuhay at karanasan ng pandarahas sa kamay ng rehimeng US-Duterte.

Bahagi ng kampuhan ang integrasyon ng mga Tomasino sa mga Lumad, mga serye ng talakayan at fora, kultural na pagtatanghal, at mga protesta sa loob ng unibersidad upang palaganapin ang panawagan ng mga pambansang minorya. Naglunsad din ng isang “bakwit school” sa loob ng kampuhan para sa mga kabataang Lumad upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa tulong ng mga estudyanteng nagboluntaryong magturo.

Ang mga pambansang minorya tulad ng mga Lumad ng Mindanao ay ispesyal na sektor na bumubuo ng 15-20 porsyento ng populasyon. Bawat grupong pambansang minorya ay may mayaman na kasaysayan ng paglaban para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya.

Ang buhay ng mga katutubong Lumad ay patunay sa tumitinding pasistang atake ng gobyernong Duterte at sa lumalalang pandarambong ng mga lokal na naghaharing uri at ng mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos sa likas na yaman ng bansa. Pilit na pinalalayas ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno upang makapagmina ang mga pinapapasok na multinasyunal na korporasyon at malalaking dayuhang kapitalista.

Iba’t ibang programang kontra-insurhensya na pinakahuli ang Oplan Kapayapaan ni Duterte ang inilunsad ng mga nagdaang rehimen upang supilin ang paglaban ng mga pambansang minorya. Daan-daang katutubo na ang napapatay, kabilang si Obello Bay-ao, isang estudyanteng Lumad at kaklase ng mga katutubong nagkampuhan sa pamantasan.
Hindi rin tinutugunan ng pamahalaan ang panawagan ng mga Lumad sa edukasyon, kalusugan at iba pang pampublikong serbisyo. Maging sa pagtatayo ng sarili nilang mga paaralan ay pinipigilan sila at pinaparatangang mga paaralan ng New People’s Army (NPA), dahilan upang i-militarisa ang kanilang mga komunidad at paaralan.

Araw-araw nababalot sa takot at pangamba ang mga katutubo kahit noon pang ‘di pa naipapanukala ang batas militar sa Mindanao. Habang nagka-klase ay pinauulanan sila ng bomba at bala. Tahasan ang pagpaslang at pag-masaker sa kanilang mga lider at guro – maging ang mga bata ay nakasasaksi ng ganitong karumaldumal na senaryo. Maging ang mga Lumad na nagbabakwit mula sa kanilang mga komunidad ay target pa rin ng paniniktik at pandarahas. Noong 2015, sinunog ang UCCP Haran sa Davao City kung saan sila nagbakwit.

Kahit pa sa murang edad, alam ng mga batang Lumad ang pangangailangan ng kanilang komunidad. Kaya kung sila’y tanungin hinggil sa kanilang pangarap sa kinabukasan, ang pagtugon sa mga pangangailangan na ito ang kanilang isinasagot. At ito ang kaisipang ipinupukol ng makabayan, siyentipiko at maka-masang edukasyon na kanilang tinatamasa.

Ang mga karanasang ibinahagi ng mga katutubo ay nagpausbong sa diwang makabayan ng mga Tomasino. Nababatid nila na ang laban ng mga katutubong minorya ay hindi hiwalay sa laban ng mga estudyante at iba pang sektor sa lipunan. Tunay na ibinigkis ng Lakbayan ang mahigpit na pagkakaisa ng sambayanang api upang isulong ang pambansa-demokratikong interes ng mga mamamayan. #

*****

Patuloy na pagsulong sa kabila ng pandarahas at intimidasyon sa mga lider-kabataan

Nitong nakaraang mga buwan, iba’t ibang anyo ng pananakot, intimidasyon, at pandarahas ang naging tugon ng rehimeng US-Duterte laban sa mga lider-kabataan mula sa mga malalaking pamantasang nanguna sa mga kilos-protesta laban sa administrasyon.

Isa sa mga naging target ng pananakot ang kasalukuyang tagapangulo ng Anakbayan UP Diliman na si Jann Merlin na nagsimulang makatanggap ng mga banta sa kanyang buhay matapos ang pagkilos noong ika-30 ng Nobyembre, Araw ni Bonifacio.

Kasabay nito ay pinagdiskitahan ng mga trolls ang Facebook page ng Anakbayan UP Diliman kung saan bumuhos ang mga insulto at banta sa mga lider-estudyante mula sa pamantasan.

Sunud-sunod ang mga kaso ng pananakot sa hanay ng kabataan matapos ang nagdaang pambansang araw ng pagkilos laban sa pasismo at batas militar noong ika-21 ng Setyembre.

Noong ika-28 ng Setyembre, dalawang lalaki ang lumapit sa isang lider mula sa PUP sa loob mismo ng pamantasan, at doon binalaang siya raw ay tinitiktikan at sinusundan sa loob at labas ng eskwelahan.

Ika-1 ng Oktubre naman nang dalawang di-unipormadong pulis Caloocan ang bumisita sa bahay ng isang mass leader mula sa De La Salle University, kung saan inilahad nilang alam nila ang kanyang bawat galaw, kasama ang kanyang ruta pauwi at kung saan siya pumupunta.

Sa UST naman, isang miyembro ng balangay ng Senior High School ng LFS ang nakatanggap ng mga tawag at text na nagbabanta sa kanyang buhay.

Isa ring lider-estudyante mula sa LFS Northern Mindanao ang minanmanan ng mga hinihinalang elemento ng estado sa kanyang bahay sa Iligan City at pinagbintangang tagasuporta ng NPA.

Pagsikil sa karapatang mag-organisa sa kampus

Nagtaasan ang rental fees ng iba’t ibang mga lugar na pinadadausan ng mga proyekto ng mga organisasyon sa UP Diliman. Paliwanag ng administrasyon ng UP, dahil daw ito sa pagpapanukala ng libreng matrikula sa loob ng pamantasan, kung saan pinagbabangga ang interes ng mga organisasyon sa karapatan ng mga kabataan sa edukasyon.
Naging tampok ang laban ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon, kung saan halos 20 na organisasyon ang mapagpasyang tinalikuran ang org recognition process na kinikilala nilang mapanupil sa kanilang mga karapatan bilang estudyante ng kolehiyo.

Sa halip na tugunan ang panawagan ng mga mag-aaral, nagmatigas ang administrasyon sa pagtaas ng rental fees at hindi pagkilala sa mga organisasyong ilang dekada nang parte ng kolehiyo.

Higit pa riyan ang pag-imbita ng administrasyon ng kolehiyo sa berdugong pulis na pumasok sa loob ng kolehiyo para sa isang pulong kasama ang mga opisyal para sa diumano’y communication skills workshop na isasagawa para sa PNP.
Habang tumitindi ang krisis panlipunan ay papalakas din ang laban ng pinagsanib na pwersa ng kabataan at ng malawak na hanay ng sambayanan, kaya nagkukumahog ang rehimeng US-Duterte na busalan ang anomang porma ng pakikibaka.

Imbis na matakot o manlumo ay dapat mas lalo pang paigtingin ng kabataan ang kanilang paglaban at ipagpatuloy ang masikhay na pag-oorganisa at pagputok ng kampanya sa kabila ng mga banta at atake. #

*****

Lumalakas na paglaban sa harap ng tumitinding panunupil sa loob ng PUP

Patuloy na lumakas ang paglaban ng mga iskolar ng bayan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa harap ng tumitinding panunupil at atake sa karapatan ng mga mag-aaral sa loob ng pamantasan.

Hinarap ng mga mag-aaral sa PUP ang pagpapaalis sa mga progresibong organisasyon sa kanilang mga opisina sa loob ng kampus at ang pagpapatupad ng isang “no overnight policy” para sa mga estudyante.

Nariyan din ang pagbubuo isang Student Publication Section (SPS) na magbibigay sa administrasyon ng PUP ng kontrol sa pondo at pagpapatakbo ng mga publikasyon ng mga mag-aaral. Ito ay isang lantarang atake sa malayang pagpapahayag sa loob ng pamantasan.

Tampok din ang hindi pagkilala ng PUP Board of Regents sa tunay na rehente ng mag-aaral na si Student Regent Paulie Anareta at sa tunay na executive committee ng Alyansa ng Nagkakaisang Konseho ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (Anak-PUP).

Bukod dito ang pagpataw ng mandatoryong Reserved Officer Training Corps (ROTC) sa Senior High School (SHS), mandatoryong drug testing, red-tagging, harassment, at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga progresibong organisasyon, estudyante, at manggagawa.

Malinaw na ang pagtindi ng panunupil sa loob ng kampus ay may kaugnayan sa pagpapatindi ng patakaran ng paniningil sa mga mag-aaral sa kabila ng kakulangan sa mga akademikong pasilidad tulad ng mga laboratoryo.

Patuloy pa rin ang paniningil ng Other School Fees (OSF) habang hindi pa rin ibinabalik ang matrikula ng mga estudyante na dapat ay libre na dahil sa free tuition policy. Sa katunayan, malaking tipak pa rin ng binabayaran ng mga estudyante ng PUP ay OSF na umaabot ng P1,000-4,000 o halos 80-90 porsyento.

Sobrang napakamahal ng mga sinisingil na rental fee at electricity fee sa mga bulwagan at iba pang pasilidad na umaabot ng P800-1000 kada oras. Patuloy na sininisingil ang mga departmental fees sa mga may exam na nagkakahalagang P20-320 kada subject. Pinapatupad naman ang mandatory uniform sa SHS na aabot sa P600-P800 kada set.

Dagdag pa, may retention policy na ipinatutupad sa ilang mga kolehiyo kung saan tinatanggal ang mga estudyante na hindi aabot sa quota at mapipilitang lumipat sa ibang kurso o unibersidad para makapagpatuloy. Hindi pa rin kumpleto ang mga benepisyo na nakukuha ng mga janitor at walang barracks ang mga gwardiya sa pamantasan.

Sa kabila ng samu’t saring mga hamon ay pinakita ng mga iskolar ng bayan sa PUP ang kapasyahang manindigan at labanan ang mga hamon na ito at pinatunayan ng kanilang mga tagumpay ang bisa ng militante at organisadong pagkilos ng nagkakaisang mamamayan.

Nagkasa ng laban sa K-12 at academic calendar shift na sang-ayon sa makadayuhang patakaran ng internasyunalisasyon. Nanindigan ang mga iskolar ng bayan laban sa pinatinding neoliberal na atake sa edukasyon nagpapasahol ng kolonyal, komersyalisado, at pasistang katangian ng edukasyon.

Sa pagpasok ng taong 2018, hamon sa mga iskolar ng bayan ang patuloy na paglaban para sa mga demokratikong karapatan at pag-ugnay ng laban na ito sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino, lalo na laban sa pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. #

*****

Pagkilos laban sa diktadura at pasismo at pagpapatuloy ng nasyonalistang kamalayan ng Lasalyano

DLS2

Higit 500 mag-aaral ng De La Salle University (DLSU), kahanay ang mga guro, administrador, at dekano mula sa iba’t ibang departamento, ang nagmartsa patungong Luneta noong Setyembre 21, anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ng diktador na si Marcos, upang irehistro ang paglaban sa militarista at pasistang pamamahala ng rehimeng US-Duterte.

Sa kabila ng mga pananakot at kontra-propagandang nilatag laban sa petsa ng itinakdang pagkilos, nangibabaw ang makabayan at demokratikong kamalayan ng mga mag-aaral sa DLSU na hindi na banyaga sa kasaysayan ng pamantasan.
Dalawang dekada matapos ang ikalawang pandaigdigang digmaan, kasama ang mga mag-aaral ng DLSU sa mga mga lantarang tumutol sa patuloy na interbensyon ng Estados Unidos sa gobyerno at kalakalan sa bansa.

Noong 1968, 600 Lasalyano ang nakapagsagawa ng apat na oras na demonstrasyon laban sa pagpapatalsik sa isang Lasallian Brother na inakusahang nagtuturo ng mga subersibong pag-aaral. Batid ang pasismo ng estado at ng lokal na administrasyon, nakibaka at nanubali ang mga mag-aaral para sa akademikong kalayaan at makabayang edukasyon.

Sa kabila naman ng sunod-sunod na insidente ng overkill na presensya ng mahigit 50 pulisya sa mga protesta laban sa Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan noong nakaraang taon, patuloy na nagsagawa ng mga lokal na pagkilos ang mga organisadong Lasalyano. Patuloy na nagpalawak at patuloy rin na pinalakas ang alyansa sa mga lokal na organisasyon.
Isa sa nagbunsod sa 500 Lasalyano na magmartsa noong ika-21 ng Setyembre ang isang linggong pakikisalimuha ng mga Lasalyano kasama ang mga batang Lumad. Ang mga dekano at gurong sumama ay mga kaalyadong masiglang tumulong sa pagtatagumpay ng Lakbayan sa La Salle.

Bunga ng masusing pagpaplano ng organisadong pwersa, bagamat batid na relatibong maliit ang makinarya, hindi natakot ang grupo na maglunsad ng mga malakihang pagtitipon sa loob ng pamantasan. Ang matatag na alyansa sa ilang mga dekano, guro, at lokal na organisasyon ang mas lalong nakapagpatampok ng dalang kampanya.

Resulta ng masiglang kampanya at matinding alyansa, napasidhi muli ang militanteng kamulatan ng mga Lasalyano.
Sa patuloy na paglulunsad ng mga pag-aaral, programa, at pagkilos ng Anakbayan, inaasahan ang na mag-aambag ang iba’t ibang sektor sa loob ng DLSU sa pagpapatalsik ng panibagong diktadura ni Duterte at sa pagsulong ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya. #

*****

Demolisyon sa Floodway at ang buong-tatag na paglaban ng mga residente at kabataan

Ang unang taon ni Duterte ay isang lideratong minarkahan ng pagwasak, hindi lamang ng mga buhay at kabuhayan, kundi ng kabahayan ng mga maralitang mamamayan.

Nasa 1,000 pamilya ang naapektuhan sa demolisyong ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Pasig sa East Bank, Manggahan Floodway noong Oktubre 18-20. Sa daan na sila natulog hanggang sa katapusan nang nasabing buwan at doon din ibinurol ang isang residenteng inatake ng stroke nang isagawa ang demolisyon. Sa kasalukuyan, nasa 500 pamilya ang wala pa ring matitirhan o nakuhang relokasyon.

Sa gitna ng marahas na dispersal ng kanilang barikada, 41 na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kabilang na ang 14 kababaihan at 10 menor de edad at mga miyembro ng Anakbayan Floodway, ang inaresto ng mga elemento ng PNP. Mayroon ding 30 na nasugatan sa insidente.

“Ano kayang mararamdaman niyo kung wasakin namin ang tahanan niyo? O kung kami ang tumira sa bahay niyo? Nananahimik kami pero sinisira ng gobyerno ang bahay at buhay namin. Binigyan niyo kami ng problema, ngayon kayo ang mamurublema sa ginawa ninyo sa amin,” sabi ni Jim Penolio, tagapagsalita ng Anakbayan Floodway.

Sa kabila ng pagwasak, nabuo ang pagkakaisa ng mga residente ng Floodway. Upang iangat ang laban para sa pabahay tungo sa paniningil sa pasistang rehimeng US-Duterte, nagpasya silang tumungo sa Mendiola noong Oktubre 25 upang itayo ang kampuhang tinaguriang “Homeless Camp.”

Sa pagsimula ng taong 2018, pinagkukunan ng aral ng mga kabataan ang pakikibakang pinamunuan ng mga batayang sektor.

Bitbit ang panawagan para sa disente at pang-masang pabahay, ang kampuhan ay nanatiling nakatindig sa kabila ng mga tangkang pagpapabagsak dito ng estado. Matagumpay na nairehiyonalisa ng mga residente ang kanilang laban at pinatunayang hindi hiwalay na kaso ang nangyari sa Floodway. Matagumpay ring nairehistro na walang ibang solusyon sa krisis sa pabahay kundi ang tunay na repormang agraryo sa kanayunan at ang pagkakaroon ng trabaho at nakabubuhay na sahod na makakamit lamang sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon. #

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *