Dapat ilantad, singilin at tuligsain ng bayan ang rehimeng Duterte sa mga napakong pangako nito sa mamamayan. Dapat itong panagutin sa todo largang digma at pasismo, kaakibat ng anti-demokratiko at hibang na giyera kontra-droga na naghahasik ng lagim at pumaslang sa libo-libong maralita.

Matapos ang higit sa anim na buwan sa poder, mabilis na nalalantad ang esensyang reaksyunaryo ng rehimen. Ang pagpostura ni Duterte na “Kaliwa,” “sosyalista,” “anti-US” at “anti-oligarkiya” ay mabilis na nahuhubaran sa harap ng mga anti-demokratiko at maka-imperyalistang patakaran at hakbanging pinapatupad ng kanyang rehimen.

Mga napakong pangako

Lumalabas na hungkag ang mga deklarasyon at retorikang anti-US ni Duterte. Sa totoo’y wala siyang ginawa para wakasan ang panghihimasok at dominasyon ng militar ng US sa Pilipinas. Hindi niya itinuloy ang bantang ibabasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at pagpapalayas ng tropang Amerikano sa Mindanao. Sa halip, pinagtibay pa niya ang pakete ng 257 na ehersisyong militar ng US sa Pilipinas sa 2017 at kalauna’y naghabol na ng pakikipagkaibigan sa pangulo ng US na si Donald Trump.

Ang sinasabing “nagsasariling patakarang panlabas” ay ginamit lamang para akitin ang mas malaking dayuhang pamumuhunan mula sa mga karibal ng US na Tsina at Rusya na magsasadlak din sa manggagagawa at mamamayan sa higit pang pagsasamantala. Sa halip na paalisin, lalo pang hinikayat ni Duterte ang nagriribalang mga dayuhang tropang militar sa bansa.

Sa larangan ng ekonomiya, ipinagpatuloy ng rehimeng Duterte ang mga patakarang neoliberal na minana sa mga nagdaang rehimen. Ang pangako ni Duterte na tapusin ang kontraktwalisasyon ay nauwi sa “win-win solution” na lalo pang maglelehitimisa at magpapalawak ng kontraktwal na paggawa pabor sa malalaking burgesya komprador. Hinadlangan din nito ang pagtataas ng sahod ng manggagawa at mga kawani.

Tuloy-tuloy ang pagtataas ng mga bilihin at pagkakait ng mga serbisyo. Ang sinasabing “libreng matrikula” sa mga state universities and colleges ay walang iba kundi pinalawak na iskolarship at sa totoo’y gagamitin pa nga para palawakin ang mga iskema ng taas-matrikula at singilin sa mga kampus. Hindi ibinigay ang pangakong dagdag na P2,000 sa buwanang pensyon sa SSS, sa halip ginawa itong P1,000 na may kasabay na dagdag sa kinakaltas sa buwanang hulog.

Nakaamba naman ang kabi-kabilang pagtataas ng buwis, kabilang na ang panukalang P6 kada litro na excise tax sa produktong petrolyo upang itaas ang kita ng gubyerno sa labis na kapinsalaan ng interes ng bayan.

Pasistang giyera laban sa masa

Sa halip na pinangakong makabuluhang pagbabago, pananakot at pamamaslang laban sa maralita at mamamayan ang pinakana ng rehimen sa hibang nitong “gera kontra droga.” Lalagpas na sa 7,000 ang pinatay ng mga pulis at mga grupong vigilante sa sulsol mismo ni Duterte.

Ang pag-aresto kamakailan kay Senador Leila De Lima ay larawan ng tumitinding ribalan ng naghaharing uri at kabulukan ng sistemang pampulitika kung saan sentro si Duterte. Ginagamit ni Duterte ang kampanya kontra droga at paglaban umano sa oligarkiya para ipitin at paluhurin ang mga karibal. Para makonsolida ang kapangyarihan laban sa oposisyon, sumandig ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at kinonsolida ang mga maka-US na mga heneral. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapapurol ng mga anti-US na tindig at pagpayag sa mga patakarang pabor sa US.

Ang dineklarang all-out war ni Duterte laban sa rebolusyunaryong kilusan matapos siyang umatras sa usapang pangkapayapaan ay pagyukod nito sa kontra-insurhensyang kampanya na sulsol ng US sa militar. Nagtulak ito sa AFP na lalo pang manalot sa masa sa kanayunan, mambomba ng mga komunidad, sapilitang magpalikas ng taumbayan at pumaslang o di kaya’y iligal na mang-aresto ng mga lider-aktibista.

Idi­nek­la­ra ng mga upi­syal ng AFP na “pa­ta­ta­ma­an na­min nang ma­la­kas” ang mga rebelde sa kanilang Oplan Kapayapaan. Ta­la­gang ma­la­kas ang big­was su­ba­lit ang “pi­na­ta­ta­ma­an” ay ang di ar­ma­dong ma­ma­ma­yang lu­ma­la­ban. Buu-bu­ong ko­mu­ni­dad ang ka­ni­lang si­na­sa­lan­ta at ang pi­na­pa­tay ni­lang mga si­bil­yan ay ipi­nip­ri­sin­ta bi­lang ka­sa­pi ng NPA upang pa­la­ba­sing nag­ta­ta­gum­pay si­la.

Sa kabiguan nitong palayain ang mga bilanggong pulitikal at pagpupumilit nito sa “bilateral ceasefire” bago ang anupamang kasunduan, lumalabas na hindi tunay na kapayapaan ang hangarin ni Duterte kundi pasipikasyon at pagsuko ng mamamayang lumalaban. Nais nitong itali ang rebolusyunaryong kilusan sa matagalang tigil-putukan na walang makabuluhang pakinabang para sa mamamayan, habang nagpapatuloy ang mga operasyon ng AFP.

Kasabay nito, pinatitindi ni Duterte ang mga hakbanging pasista. Matapos ang pagpaparangal sa mga Marcos bilang bayani, itinulak nito ang pagbabalik ng ROTC at nagbabanta itong ibalik ang batas militar at Philippine Constabulary. Itinutulak din ng mga kaalyado nito sa Kongreso ang death penalty at pagsasama ng mga minor de edad sa mga maaaring patawan ng mga kasong kriminal, kapwa lalong gigipit at tatarget sa maralita.

Sa harap ng tumitinding krisis, tinatawagan ang kabataan na patindihin ang paglaban. Dapat puspusang palakasin ang mga pakikibakang masa at singilin si Duterte sa mga napakong pangako nito sa mamamayan. Dapat labanan ang tumitinding atake ng imperyalismo at tumitinding pasismo sa ilalim ng rehimen.

Dapat ilunsad ang malawak na kampanya para sa pampulitikang edukasyon, integrasyon sa batayang masa at pagpapalawak sa hanay ng kabataan at intelektwal. Dapat maramihang tumungo sa kanayunan at malakas na mag-ambag sa pangkalahatang layunin na itaas sa panibagong antas ang pambansa-demikratikong pakikibaka.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *