Incident: Harassment, intimidation, verbal and physical abuse
Location: Brgy. Camias, Porac, Pampanga
Date of Incident: Enero 21, 2012
Perpetrators: Apat (4) na miyembro ng 70th Infantry Battalion-Philippine Army
Noong Enero 21, 2012, tatlong estudyante ng BS Community Development mula sa University of the Philippines Diliman, kasama ang apat na minor-de-edad na Aeta, ay hinarass, pinagbantaan, at nakaranas ng verbal at physical abuse sa kamay ng apat na elemento ng 70th Infantry Battalion-Philippine Army sa Brgy. Camias, Porac, Pampanga.
Ang dalawa sa kanila ay sila Rafael Antonio Dulce, 25 taong gulang at pambansang ikawalang-pangulo ng Anakbayan; at si Marie Gold Villar, 23 taong gulang; Sila ay papunta sa Camias para sa pyesta na gaganapin sa susunod na araw, at dahil sila’y inimbitahan mismo ng ilang mga barangay officials ng nasabing komunidad.
Ang tatlong estudyante ay bahagi ng grupo ng apat na mag-aaral ng Community Development na naglulunsad ng kanilang ‘fieldwork’: ito ay isang requirement sa kanilang kurso para makapagtapos. Kasama dito ang pagtulong sa mga komunidad ng maralita sa kanayunan at kalunsuran para malutas ang kanilang mga problema at isyu. Ang nasabing grupo ay nakabase sa ‘Katutubo Village’ o ‘Tent City’ sa Porac, Pampanga, isang relocation site para sa mga Aeta noong panahon ng pagpatutok ng Mt. Pinatubo.
Bandang 12 ng tanghali sa labas ng Camias, hinarang si Villar (na nahuhuli sa paglalakad dahil kumukuha ng mga litrato) ng isa sa mga sundalo na naka-damit sibilyan na nagpakilalang ‘Paul’ ng ‘DPWH Region 3 office’. Pagkatapos siyang iinterrogate hinggil sa kanyang pangalan at kung anong ginagawa niya sa lugar, binantaan ang estudyante na may mga NPA sa Camias at maaari siyang madamay sa crossfire sa pagitan ng mga sundalo at NPA. Agad dumating ang tatlo pang sundalo na naka-sibilyan rin.
Pagkatapos makabalik ni Dulce at ng isa pang kasamahang estudyante, muli silang binantaan ni ‘Paul’. Sa puntong ito ay nilabas ni Dulce ang kanyang cellphone at nag-text sa ika-apat na miyembro ng kanilang team para sabihin na hinaharass na sila. Dahil dito, siya ay pinagtutulak at pinagmumura ng isa pang sundalo na nagpakilala bilang ‘Chris’. Hinamon pa nito si Dulce sa suntukan.
Pinatayo ni ‘Chris’ ang mga estudyante sa ilalim ng araw ng mahigit isang oras habang pinagmumura at sinisigawan ng mga sundalo na sila’y mga miyembro ng NPA. Ang dalawa pa nilang kasamang sundalo (na hindi nagpakilala) ay kinunan ng litrato sila Villar at Dulce, at tinangkang kunin ang bag ni Dulce.
Minura rin ni ‘Chris’ at tinaboy ang isang Aeta na napadaan at bumaba sa kanyang motorsiklo para bantayan umano ang mga estudyante. Sa puntong ito, ‘di na mapigilan ni Villar ang kanyang pag-iyak, nagmakaawa ang mga estudyante na itigil na ang pag-interrogate sa kanila, at nangakong di na tutuloy sa Brgy. Camias. Binantaan muli sila ni ‘Chris’ at sinabing ihatid ang mga kasamang menor-de-edad sa Camias, at ‘mag-ingat’ at ‘dumapa nalang’ kung sakaling madamay sila sa crossfire. Pagkatapos ay kinuha ni ‘Paul’ ang cellphone number ni Villar at sinabing mag-usap muli ang mga estudyante at ang mga sundalo sa Metro Manila. Sa puntong ito ay pinayagan na silang umalis sa nasabing lugar.
Agad bumalik ang mga estudyante (at ang mga kasama nila) sa Planas kung saan sinalubong sila ng mga taong simbahan at mga lokal na lider-Aeta. Sinamahan sila sa police station kung saan nagpa-blotter ang mga estudyante. Dito rin sila sinabihan na ayon sa mga lokal na residente na miyembro ng CAFGU, ang apat na sundalo ay hindi mula sa detachment ng Phil. Air Force (PAF) sa mismong Brgy. Camias, kundi mga ‘dayo’ na pinaghihinalaang mula sa 70th Infantry Battalion ng Phil. Army.
LOCAL SITUATION
Matindi ang pagtutol ng mamamayan ng Porac, Pampanga, pati na rin ng buong lalawigan, sa tangkang large-scale foreign mining sa Mt. Abo (kilala rin bilang Mt. Negron). Ang mining application ay hawak ng Pisumpan Copper Mines Inc. na hawak ng pamilya ni Gregorio at Jovencito Dizon. Kasosyo nila ang Shuley Mines Inc. na mula sa bansang Tsina. Ang pamilya Dizon ay may hawak ng mga ilan pang mining companies na may applications sa iba pang bahagi ng Pampanga.
Ang nasabing bundok ay nasa sentro ng ancestral domain, o lupa ng ninuno, ng mga Aeta. Napakahalaga nito sa mga nasabing katutubo sapagka’t dito nagmumula ang kanilang pagkain, araw-araw na pangangailangan, at kabuhayan. Dito rin nakalibing ang kanilang mga ninuno, at malaki ang bahagi ng Bundok Abo sa kanilang buong relihiyon at kultura.
Ang ilang mga ilog kung saan nakaasa ang mga magsasaka ng Pampanga at Bataan, ay nagmumula rin sa Mt. Abo. Pinapangambahan na kung matutuloy ang pagmimina, malalason ang mga nasabing ilog, at maaapektuhan ang kabuhayan at kalusugan ng mga magsasaka at mamamayan ng dalawang lalawigan.
Higit pa dito, napagalaman na may magma chamber sa ilalim ng Bundok Abo, na konektado sa magma chamber ng Mt. Pinatubo. Pinangangambahan na kung matuloy ang pagmimina, magdudulot ito ng isa nanamang matinding kalamidad sa Pampanga.
Hindi lamang ang mga katutubong Aeta ang tumututol sa pagmimina sa Bundok Abo. Katunayan, binuo noong nakaraang Hulyo ang IPAMINGWA!: isang panlalawigang alyansa ng mga katutubo, magsasaka, estudyante, taong simbahan, at mga opisyal ng gobyerno.
Ngunit kasabay nito ay tumitindi rin ang panunupil ng militar sa mga tumututol sa pagmimina: noong Augusto, inakusahan ng mga miyembro ng PAF ang mga estudyante at taong simbahan na naglunsad ng ‘tree planting’ bilang mga miyembro ng NPA. Inakusahan rin nila ang isang lokal na lider Aeta ng nagtatago ng armas ng mga NPA noong Disyembre 29, habang inakusahan ang isa pa bilang nagtatago ng mga NPA sa kanyang bahay noong Enero 12. Inakusahan rin ang ilang mga staffers ng IPAMINGWA, pati ang lahat ng mga kasapi ng lokal na samahan ng mga Aeta sa Brgy. Camias, bilang mga NPA. ###








