Pambansang Kalagayan, Enero 2012 (Borador)
Inihanda ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng Anakbayan
Wala na ang dilaw na kinang ng gobyernong Aquino. Sa harap ng mga pangako nito ng ‘daang matuwid’ at ‘gobyernong ‘di manhid’, pagbagsak ng kabuhayan at karapatan ng mamamayan ang ating nararanasan: oil price hikes, budget cuts sa social services, tuition and other fee increases, K+12 curriculum, mababang sahod, kontraktwalisasyon, kawalan ng hanap-buhay, demolisyon, land-grabbing, pagkasira ng kalikasan, atbp.
Tumitindi ang paglabag ng militar sa mga karapatang pantao habang sinusupil nito ang paglaban ng mamamayan. Tumataas muli ang bilang ng mga pamamaslang, pandurukot, pananakot, atbp. Wala pa rin nakukulong sa mga militar na naglabag ng karapatang pantao sa nakaraang rehimen at nananatiling malaya ang mga tulad ni Gen. Jovito Palparan at Gloria Macapagal-Arroyo.
Ginagamit ng Rehimen ang ‘Coronavela’ para pagtakpan ang pananagutan nito sa tumitinding kahirapan sa ating bayan, at para mas makontrol ang Korte Suprema para baliktarin ang pasya sa Hacienda Luisita at bilang paghahanda sa mga susunod na mga kontra-mamamayan at maka-dayuhang hakbang nito.
Lalong lumilinaw ang pangangailangan para sa kolektibo at militanteng paglaban ng kabataan at mamamayan, lalo na’t tumitindig na ang mamamayan ng iba’t-ibang bansa para sa tunay na pagbabagong panlipunan.
PAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS AT IBA PANG BILIHIN
Noong nakaraang taon, 44 na beses nagtaas ang presyo ng langis, na ngayo’y mas mataas na ng halos P11 kumpara sa presyo nooong Enero ng nakaraang taon. Tinatayang overpriced, o mas mataas sa aktwal na presyo, ng P9 kada litro. Nagpatuloy ito ngayong 2012: sa unang dalawang linggo pa lang, nagtaas na ng apat na beses, o P2.70 kada litro, habang P0.80 lamang ang ibinaba.
Kasabay nito, nagtaas rin ang singil ng kuryente (Meralco 6.8%, Napocor 14.2%), tubig (Manila Water 25%, Maynilad 35%), at toll sa SLEX. May nakaamba rin na 100% pagtaas ng pamasahe ng LRT-MRT.
Nananatili pa rin ang mga kondisyon para sa walang-humpay na oil price hikes. Deregulated, o walang kontrol/restriksyon, ang lokal na industriya ng langis. Ang naging tugon ng pamahalaan ay isang bogus na rebyu ng oil deregulation law.
EDUKASYONG MAKA-DAYUHAN AT PARA SA IILAN
Tumitindi ang katangian ng ating sistema ng edukasyon bilang maka-dayuhan at para sa iilan. Inilalagay ito sa direksyon ng mga korporasyon, imbes ng sa gobyerno, para di-umano maging mas ‘efficient’ ang sistema ng edukasyon. Subalit sa totoo lang, tinutulungan lang nito ang mga may-ari ng mga pamantasan na pagkakitaan ang edukasyon. Tinutulak rin nito ang edukasyon tungo sa direksyon ng interes ng mga korporasyon at dayuhan.
Ngayong taon, umabot na sa P71,336 ang average na matrikula at mga bayarin sa isang taon ng college education (P35,668 kada semestre). Dulot ito ng mga patakaran gaya ng CHED Memo Order 13 at Education Act of 1982 na nag-aalis sa kapangyarihan ng gobyerno na magtakda ang matrikula ng mga pamantasan at inilipat ito sa mga administrasyon ng mga paaralan.
Dagdag pa dito ang epekto ng mga budget cuts sa mga pamantasan. Ngayong 2012, P583 milyon ang bawas sa pondo ng mga pampublikong pamantasan. Tulad ng mga nakaraang taon, magdudulot ito ng mga pagtaas ng bayarin at iba pang porma ng komersyalisasyon, o pag-alis sa access ng mga mahihirap sa edukasyon. Kahit ang ipinagmamalaking dagdag P4.2 bilyon ay kondisyunal at hindi naman direktang ilalagay sa pondo ng mga pamantasan.
Balak na rin ipatupad ang K+12 curriculum sa susunod na school year kung saan dadagdagan ng dalawang taon ang basic education. Inaasahan na magdudulot ito ng dagdag-gastusin sa maraming pamilya. Higit pa dito, ginagawang mas ‘efficient’ ang pag-eksport ng mga kabataan bilang murang OFWs. Mismo ang DepEd ang nagsasabi na layunin nito na pwede ng magtrabaho, kahit sa ibang bansa, ang mga magtatapos ng hayskul.
BUDGET CUTS AT PRIBATISASYON NG MGA SERBISYONG PANLIPUNAN
Sa loob ng dalawang taon ni Noynoy, dalawang beses rin kinaltasan o binarat ang pondo ng mga serbisyong panlipunan. Ngayong taon, ang pinagsamang pondo ng lahat ng serbisyong panlipunan ay P568 bilyon, habang ang pondo ng pambayad utang ay P738 bilyon.
Simula ngayong 2012, inaasahang ipatupad na ang ikalawang yugto ng programa ng gobyernong Aquino ukol sa mga serbisyong panlipunan: ang pribatisasyon nito. Gamit ang argumento na kulang ang pondo ng mga ito, ibebenta ang mga ito o ipapaubaya sa mga pribadong korporasyon dahil ‘may pera sila’ habang ang gobyerno ay ‘wala’. Ngayon pa lang, nakahanay na ang mga classroom ng mga paaralang elementarya at hayskul, pati ang ilang mga ospital, sa pribatisasyon.
Dahil ang oryentasyon ng mga korporasyon ay magkamal ng kita, siguradong magdudulot ito ng mga mas mahal at dagdag na bayarin sa mga paaralan at ospital. Magiging ‘karapatan ng iilan’ ang mga serbisyong panlipunan na dapat ‘karapatan ng lahat’.
MABABANG SAHOD, KONTRAKTWALISASYON, AT KAWALAN NG TRABAHO
Tatlo sa sampung Pilipino ay walang trabaho: 4.3 milyon ang walang trabaho, habang 7.2 milyon ang kulang ang kinikita. Hindi nakapagtataka na 77.4 milyong Pilipino, o halos 8 sa kada 10, ay nabubuhay sa di-lalampas sa P104 kada araw.
Kahit ang mga ‘mapapalad’ na may trabaho ay di rin sapat ang kinikita. P404 ang minimum wage sa NCR, subalit P1008 ang minimum na kinakailangan para mabuhay ng disente ang isang pamilya.
Malaking papel ang kontraktwalisasyon, o pagiging di-regular ng mga manggagawa at empleyado. Dahil walang kasiguruhan ang kanilang trabaho, madali silang takutin ng mga kapitalista na huwag sumali sa mga unyon at igiit ang mga karapatan tulad ng pagsunod sa minimum wage, pagbigay ng tamang overtime pay, sick leave, maternity leave, atbp.
Sa kasalukuyan, 55% ng lahat ng manggagawa ay kontraktwal, at 20% ng lahat ng mga kumpanya ay lumalabag sa minimum wage. Pinapayagan ng gobyerno ang kontraktwalisasyon para makaakit ng napakaraming mga dayuhang korporasyon sa ating bansa.
DEMOLISYON NG MGA TAHANAN
Maraming komunidad ng maralitang-lungsod ang winasak noong 2011 para bigyang-daan ang mga malalaking proyektong PPP (Public-Private Partnership), tulad ng Quezon City Central Business District at National Government Center. 29 na demolisyon (18 sa NCR) ang naganap, at 29,303 na pamilya (107,910 tao) ang nawalan ng tirahan. Dahil sa nabanggit na napaka-babang budget sa pabahay, ang mga biktima ng demolisyon ay dinadala sa mga relocation sites na walang mga hanapbuhay, paaralan, klinika, kuryente, malinis na tubig, atbp.
Sa mismong pagtataya ng gobyerno, 556,000 na pamilya, o nasa 2.5 milyong Pilipino sa NCR pa lamang (o 1/4 ng buong populasyon ng rehiyon) ay target pang i-demolish na mga tahanan. Samantala, aminado ang gubyerno na nasa 30,000 lamang ang nakahanda nitong relokasyon, na nasa malalayong lugar pa at di matitirhan.
PYUDALISMO, PANG-AAGAW NG LUPA, PAGSIRA SA KALIKASAN
Nananatiling konsentrado sa kamay ng iilan ang mga lupang agrikultural, at nagdudulot ng di-sapat na kabuhayan sa mayorya ng mga magsasaka. Bulok at mapagpanggap ang land reform program ng gobyerno: sa kasalukuyang bagal ng pamamahagi ng lupa, tinatayang kailangan pa ng 5 taon pagkatapos ang deadline ng CARPER sa 2014 para maibigay ang mga lupang tinatarget na ipamahagi. Isang ehemplo ang Hacienda Luisita ng pamilya Aquino: gagawin ng gobyerno at ng mga landlord ang lahat para manatili ang mga lupain sa kamay nila (‘just compensation’, o pagbayad sa mga landlord).
Hindi lamang mabagal ang pamamahagi ng lupa, binabawi pa ito ng mga landlord o kaya nang-aagaw ng mga bagong lupain. Bukod sa mga landlord, mga dayuhang korporasyon rin ang nasa likod nito. Halimbawa sa San Mariano, Isabela, 11,000 ektarya ang inaagaw para pagtamnan ng isang korporasyong Hapones ng bio-ethanol.
Pati mga dayuhang mining companies, nanghihimasok sa mga lupain, inaagawan ang mga katutubo at magsasaka, at nagdudulot ng matinding pagwasak sa kalikasan. Ilan sa mga tampok ay sa: Palawan, South Cotabato (SMI-Xstrata), Zamboanga (TVI – Canada), Compostela Valley (RMMI – U.S), Cagayan, Nueva Vizcaya (OceanGold at FCF – Australia), Pampanga (Shuley – China), Ilocos, at Pangasinan.
PASISMO NG ESTADO, KAWALAN NG HUSTISYA
Patuloy na walang nananagot para sa napakaraming paglabag sa karapatang pantao na naganap noong nakaraang administrasyon. Ang tinaguriang ‘The Butcher’, si Gen. Jovito Palparan, ay nananatiling malaya pagkatapos siyang sampahan ng kaso noong Disyembre. Maaaring siya ay kinukupkop ng mga nasa kapangyarihan (tulad ng militar), hindi talaga sinsero ang gobyerno sa paghahanap sa kanya, o pareho.
Samantala, dumadami ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Aquino, lalo na sa mga kabataan. Dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas ang hinuli ng militar: si Maricon Montajes sa Batangas, at si Ericson Acosta (dati ring campus journalist) sa Leyte. Tatlo ang pinaslang: Lester Barrientos (aktibistang pang-kultural) ng Mindoro, Kenneth Reyes ng Batangas (taga-pangulo ng Bayan-Batangas at dating miyembro ng Anakbayan), at Jerwin Antonio (kabataang mangingisda, miyembro ng Anakbayan) ng Navotas. Kamakailan rin, hinarass ng militar ang tatlong estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na nakikipamuhay sa mga katutubong Aeta sa Porac, Pampanga.
‘CORONA-VELA’: AT PANLILINLANG NI AQUINO
Wala ng ang dilaw na kinang ng rehimeng Aquino. Unti-unti na siyang inaabandona ng mga kakampi niyang mga naghahari. Pati ang mga kakampi niya sa mass media, hindi na maitanggi ang pagkabulok ng kanyang pamumuno. Kaya para maisalba ang bulok nitong imahen, todo-todo na ang pagsulong ng gobyerno sa impeachment case laban kay Chief Justice Corona.
Bagama’t totoong si Corona ay papet ni dating pangulong Gloria Arroyo at marapat lamang siyang panagutin, hindi seryoso si Aquino na panagutin si Arroyo.
Makikita agad ito sa tila di-naghandang prosecution team ng gobyerno. Umabot sa mahigit 500 araw bago umaksyon ang gobyerno para ikulong si GMA. Relatibong magaan din na mga kaso laban kay Gloria (electoral sabotage imbes na plunder at human rights violations), na tila may “special treatment” sa hospital arrest nito.
Ang hangad nito sa impeachment trial ay ilihis ang atensyon ng publiko mula sa kanyang pananagutan sa hindi pagpapanagot kay Arroyo, pagtakpan ang kainutilan nito sa pagtugon sa mga karaingan ng taumbayan at baliktarin ang ruling ng Korte Suprema na ipamahagi ang Hacienda Luisita.
Samantala, tumitindi naman ang kurupsyon at kabulastugan ng kanyang mga kaklase, kabarkada, kabarilan at kapartido. Pabor sa kanyang mga kroni ang mga patakaran at kontrata ni Aquino sa PPP.
AQUINO: TAGAPAGTANGGOL NG BULOK NA SISTEMA
Malinaw na walang pagbabago sa isa’t-kalahating taon ni Noynoy Aquino. Nananatili ang mga batas, patakaran, at programa na pumapabor sa mga dayuhan at iilan: Oil Deregulation Law, Education Act of 1982, budget cuts sa/privatization ng social services, kontraktwalisasyon, CARPER, Mining Act of 1995, paglaan ng pondo sa bayad-utang, atbp.
Tuloy-tuloy na tinatransporma ang mga serbisyong panlipunan bilang mga kalakal na pagkakakitaan ng mga kapitalista. Hinahayaan ang mga korporasyon na tapakan ang karapatan ng mga manggagawa, pagsamantalahan ng todo-todo ang mga mamimili, at wasakin ang kalikasan sa ngalan ng tubo.
Ang administrasyong Aquino ay kinatawan ng mga naghaharing uri at bulok na sistema para ipagtanggol ang mga interes ng mga dayuhang korporasyon, malalaking lokal na kapitalista, landlord, at mga kurakot na opisyal. Ang gubyerno nito ay institusyon ng panunupil laban sa sambayanang lumalaban at sa kahit anong hakbang tungo sa panlipunang pagbabago.
Ang ganitong oryentasyon ng gobyerno ay dulot ng pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal ng ating lipunan: mala-kolonyal sapagka’t kontrolado tayo ng mga dayuhan (lalo na ng U.S) sa ‘di direktang pamamaraan, at mala-pyudal sapagka’t naka-konsentra pa rin sa iilang landlords ang mga lupain ng bansa. Nagtutulungan ang dalawa para panatiliin ang sistema, at perpektong ehemplo ang rehimeng Aquino: isang pangulong landlord na todo-todo ang pagkatuta sa U.S.
KABATAAN, HAWIIN ANG LANDAS TUNGO SA MAS MAGANDANG BUKAS!
Kahit saang sulok ng daigdig, nagpapatuloy ang paglaban ng kabataan at mamamayan para sa mas magandang bukas at lipunang tunay na maka-tao.
Sa Nigeria, paralisado ang kanilang buong ekonomiya sa tatlong-linggong welgang bayan laban sa pagtanggal sa mga subsidy ng gobyerno sa produktong petrolyo. Matagumpay ang mga unyon at mamamayan sa paggiit na ibalik ang mga nasabing subsidy.
Sa U.S, unti-unti ng nakikita ng mamamayan ang limitasyon ng protesta sa ilalim ng kilusang ‘Occupy Wall Street’. Ang mga pinaka-malaking ‘Occupation’ ay marahas na itinaboy ng mga pulis, at ginawang parang Mendiola ang kanilang mga kampuhan na hindi pwedeng puntahan.
Sa Egypt, muling bumalik sa lansangan ang mga nagpatalsik sa diktador na si Mubarak sapagka’t para sa kanila, walang tunay na pagbabago. Pinalitan siya ng mga lider ng militar na nagpatuloy ng mga maka-U.S. na mga patakaran ng naunang gobyerno, at pinagpapatay at pinagaaresto ang mga tumututol.
Sa mga bansa tulad ng Turkey, India, Nepal, at Peru, humantong na sa armadong rebolusyon ang paglaban ng mamamayan. Dito, may nabubuo ng mga bagong ‘malayang bayan’ sa loob ng teritoryo ng orihinal na bansa gamit ang pwersa ng mamamayang lumalaban.
Tunay ang mga salitang ‘rebolusyon ang tunguhin ng mundo ngayon’. Ang ihip ng hangin sa buong daigdig ay palayo sa mga napatunayan ng di-gumagana na mga pamamaraan ng pagbabago, at tungo sa tunay na pagbabagong panlipunan. Tinatawagan ang mga kabataan at mamamayan na bumangon mula sa pananahimik at walang pakialam, at sumabay sa daluyong ng pagkilos.
MGA PANAWAGAN:
Tutulan ang oil overpricing! Ibasura ang Oil Deregulation Law! Isabansa ang industriya ng langis!
Ipaglaban ang makabuluhang dagdag-sahod! Labanan ang kontraktwalisasyon!
Kondenahin ang mga budget cuts sa serbisyong panlipunan! Labanan ang pribatisasyon ng social services!
Labanan ang tuition and other fee increases! Tutulan ang komersyaliasyon ng edukasyon!
Ibasura ang K+12 curriculum! Tutulan ang maka-dayuhang oryentasyon ng edukasyon!
Kondenahin at tutulan ang demolisyon sa mga komunidad ng maralita!
Ibasura ang CARPER! Isabatas ang GARB! Isulong ang tunay na repormang agraryo!
Labanan ang pangangamkam ng lupa ng mga landlord, mining company, at agro-corporations!
Katarungan para sa mga biktima ng human rights violations! Panagutin si Palparan, ang Armed Forces of the Philippines, at ang teroristang estado! Palayasin ang militar sa kanayunan!
Walang pagbabago sa ilalim ni Aquino! Kabataan, isulong ang tunay na pagbabago! Makibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan tungong sosyalismo!








