Mariing kinundena ng Anakbayan ang cover-up sa malaking sunog sa planta ng House Technology Industries (HTI) sa loob ng Cavite Export Processing Zone (CEPZ) noong Pebrero 1 na binansagan na bilang pinakamalubhang trahedya sa pagawaan sa kasaysayan.

Sa kabila ng pag-amin ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Department of Labor and Employment (DOLE), lokal na pamahalaan, at Bureau of Fire Protection na wala pang komprehensibong imbestigasyon, mabilis na binalewala ang mga testimonya ng mga manggagawa na maraming hindi nakalabas sa nasusunog na gusali.

Ngunit pinabulaanan ang mga pahayag ng otoridad sa naganap na National Fact-Finding Mission (NFFM) na pinangunahan ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) at iba pang mga grupo noong Pebrero 2-5. Aabot sa 1,328 manggagawa ang hindi pa lumilitaw, ayon sa ulat ng fact-finding mission na iniharap sa Kongreso noong Pebrero 21. Samakatuwid, maaaring sabihing isa itong trahedya na mas malubha sa naganap na sunog sa pabrika ng tsinelas ng Kentex noong Mayo 13, 2015 na nagresulta sa kamatayan ng 72 manggagawa.

Ayon sa mga katugon ng NFFM, daan-daang manggagawa ang nagtatrabaho sa ikalawa at ikatlong palapag ng 3-palapag na planta nang magsimula ang sunog bandang 6PM ng gabi sa production area sa ikalawang palapag. Dagdag pa, kalakhan sa mga manggagawang nasa ikatlong palapag ay mga kababaihan subalit 25 lamang sa 126 na nakalistang napinsala na empleyado sa mga ospital ang mga kababaihan. Nasaan na ang ibang kababaihang manggagawa?

Ayon sa isang manggagawa, nakita niya ang isang magkasintahang tumungo sa isang banyo na umiiyak at magkayakap. “Nang nasa labas na ako ng building, wala akong nakitang dumaan sa fire exit, maraming tumatalon sa bintana, mula second at third floor, mga babae, kasama na iyong buntis. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kanila. Maraming naiwan don sa loob.”

Ayon sa mga saksi, tanging ang regular na pasukan at labasan lamang ng HTI main building ang nagsilbing daanan ng mga manggagawang tumatakas sa apoy. Dagdag pa, masyado diumano itong masikip para sa malaking bilang ng manggagawang desperadong makalabas. Nakakandado rin ang ilang mga fire exit.

Hindi mahirap paniwalaan sa gayon na maraming manggagawa ang nakulong sa loob at namatay. Samakatuwid, ang hindi paglitaw ng mga impormasyong ito sa mas malawak na publiko ay nagpapakita lamang sa isang matagumpay na pagkukubli sa katotohanan tungkol sa trahedya.

Sa simula pa lamang, hindi na pinahintulutan ng HTI management, PEZA, at lokal na pamahalaan ang media na pumasok sa CEPZ. Ang mga media naman na pinayagang makapasok sa compound ng HTI noong Pebrero 4 ay hindi naman pinalabas sa kanilang mga sasakyan. Nakakabahala rin ang di-karanawing katahimikan ng mga residente at manggagawa sa mga komunidad sa paligid ng CEPZ hinggil sa sunog. Sa katunayan, ayon sa isang katugon, binalaan sila ng HTI na magsalita at inutusan pa na burahin ang lahat ng mga larawan ng sunog.

Hindi katulad sa nakagawian, sadyang napakatahimik ng rehimeng Duterte sa isyu ng sunog sa HTI. Hindi na ito nakakapagtaka dahil ang pagpapalawak ng bilang ng mga Special economic zones (SEZ) ay bahagi ng mismong 10-point economic agenda ng rehimeng Duterte.

Pinapaniwala tayong mas mabuti ang kalagayan sa paggawa ng mga manggawa sa mga Special economic zones (SEZ). Sa katunayan, itinatag ang mga SEZ bilang mga engklabo para sa mga transnasyunal na korporasyong namumuhunan sa mga produktong para sa eksport kapalit ang mga exemption sa buwis, minimal na regulasyon ng estado, at pirming suplay ng mura at siil na kontraktwal na paggawa.

Ang pagyakap ng US at mga imperyalistang bansa sa neoliberal na globalisasyon simula noong dekada 1970 ay nangangahulugan ng pagtulak sa pagtatayo ng mga SEZ bilang paraan na mapababa ang gastos sa produksyon at makakuha ng mas mahigpit na kontrol sa mga ekonomya ng atrasadong bayan upang makaligtas sa krisis ng kapitalismo.

Nagdurusa, sa gayon, ang mga manggagawa sa mga SEZ mula sa mga neoliberal na iskemang nagpapababa ng sahod, nagtutulak ng kontraktwalisasyon, umaatake sa karapatan na mag-organisa at mag-welga, at bumabalewala sa ligtas na kondisyon sa pagawaan.

Dapat panagutin ang HTI, PEZA, DOLE, at lokal na pamahalaan ng Cavite. Dapat singilin ang rehimeng Duterte sa kainutilan nito sa pagpapabasura ng kontraktwalisasyon at mga paglabag sa karapatan ng manggagawa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *