Simula noong Marso 8, inokupa ng libu-libong maralitang tagalungsod ang mga bakanteng pampublikong pabahay sa Bulacan na limang taon nang nakatiwangwang at hindi napakikinabangan ng mamamayan.

Nagtayo sila ng mga barikada upang ipagtanggol ang kanilang karapatan para sa libreng pabahay na niyuyurakan ng rehimeng Duterte sa pagtutulak nito ng mga neoliberal na patakarang pumapabor sa malalaking negosyo sa pabahay.

Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), mahigit 5,208 yunit ang inokupa sa 5 relocation site ng National Housing Authority (NHA) sa bayan ng Pandi, Bulacan sa unang araw ng kampanya.
Sa halip na ibigay sa mga maralitang tagalungsod ang pag-aari sa mga nakatiwangwang na pabahay, patuloy na ipinagkakait ng NHA at gobyernong Duterte ang kanilang karapatan para sa pabahay.

Panunupil at harasment naman ang naging tugon ng kapulisan at mga pribadong guwardiya sa panawagan ng mga mamamayan. Kinordon din ang mga inokupang pabahay sa Pandi at ipinagbawal ang pagpasok ng pagkain sa lugar.
“Sa 8 buwan sa ilalim ng rehimeng Duterte, hindi pa nakatikim ng ginhawa ang maralita dahil sa nagpapatuloy na mababang sahod, kakulangan ng trabaho, at kawalan ng pabahay. Dinagdagan pa ang kanilang problema ng kontra-mahirap na ‘gera kontra-droga’ at all-out war,” ayon sa Anakbayan.

Nananawagan ang Anakbayan ng pagsuporta ng kabataan at mamamayan sa kampanyang #OccupyBulacan ng mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng pagpapadala ng pagkain at tubig, at higit sa lahat, sa aktwal na pagtungo at integrasyon sa mga barikada.

“Dapat singilin si Duterte sa kanyang mga bigong pangako,” ayon sa Anakbayan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *