Ipaglaban ang libreng pampublikong edukasyon para sa lahat! Labanan ang pagtaas ng matrikula! Ibasura ang K-12! Ibasura ang ROTC!

Sa harap ng nagpapatuloy na mga atake at patakarang neoliberal sa edukasyon sa ilalim ng rehimeng Duterte, dapat mas malawak na ilunsad ng mga kabataan, mga magulang, guro at kawani sa buong bansa ang malalaking protesta para sa edukasyong makabayan, siyentipiko at pangmasa.
‘Libreng matrikula’ para sa SUCs
Ang tuloy-tuloy na paglaban at panawagan para sa karapatan sa edukasyon sa mga nagdaang taon ay nagtulak sa gubyerno na maglaan ng P8 bilyong pondo para sa “libreng matrikula” sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs). Pag-amin ito na mali ang patakaran ng taas-matrikula at panghuhuthot ng mga SUCs. Patunay din ito na dapat libre ang pampublikong edukasyon sa lahat ng antas — kabaliktaran ng komersyalisasyong tulak ng neoliberal na mga patakaran.

Sa kabila nito, patuloy ang pagpapatupad ng patakaran ng paniningil at panghuhuthot sa mga pamantasan. Ginawang “kondisyunal” ng rehimeng Duterte ang libreng matrikula. Sa inilabas na implementing rules ng Commission on Higher Education (CHED), hindi nito pinagbawal ang paniningil ng matrikula at iba pang bayarin. Sa halip, nagtakda pa ito ng hanay ng mga “prayoridad” at iba’t ibang mga rekisito para maging kwalipikado ang mag-aaral ng libreng matrikula.

Samakatuwid, itinutulak pa rin na patuloy na huthutan ang mga mag-aaral, taliwas sa sinasabing patakaran ng “libreng matrikula.” Masahol pa, maaaring gamitin ang patakaran para magtaas pa ng matrikula at iba pang mga bayarin nang sa gayon ay lumaki pa lalo ang kikitain ng mga paaralan. Ang mga ipinataw na mga rekisito at pagkakahanay ng “prayoridad” ayon sa kinikita ng mga magulang ay maaaring gamitin para magpatupad ng patakarang tulad ng socialized tuition sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na ginagamit para lalo pang kumamal ng tubo.

Sa mga pamantasan, may mga sari-sarili pang mga patakarang lalo pang maglilimita sa mga makakatamasa ng libreng matrikula gaya ng grade requirements o academic standing, year level, at iba pa. Sa UP, patuloy na ipapatupad ang socialized tuition scheme sa balangkas pa rin ng paniningil ng mas malaki at pagkamal ng tubo.

Subsidyo para sa tubo ng kapitalista-edukador
Samantala, nagpasa rin ang kongreso at senado ng panukalang batas na Universal Access to Tertiary Education para sa libreng pampublikong edukasyon sa kolehiyo. Sa panukala, ang tuition at ilang itinakdang other school fees sa mga SUCs, Local Universities and Colleges at technical and vocational intitutions ay popondohan ng gubyerno.

Gayunpaman, nananatili ang mga probisyong kagaya ng mga proseso ng kwalipikasyon, eksempsyon at “pagpraprayoridad” na maaaring samantalahin para ikutan ang probisyon ng libreng matrikula at mga bayarin.

Gayundin, sa parehong panukala, popondohan ang pinalawak na scholarship program para sa mga pribadong pamantasan na sa makatuwid ay subsidyo para sa tubo ng mga kapitalista-edukador na kumikita na nang limpak-limpak mula sa panghuhuthot sa taas-matrikula. Palalawakin din ang sistema ng pautang sa mga mag-aaral na kalauna’y ikakaltas sa mga kontribusyon sa SSS o GSIS. Sa ganitong balangkas, at lalo na’t tuloy-tuloy ang pagtataas ng matrikula at mga bayarin, gagamitin pa ring gatasan ang edukasyon para pagtubuan ng mga pribadong paaralan, institusyon at korporasyon ng gubyerno.

Tuition hikes
Samantala, pinayagan muli ng CHED ang taas-matrikula sa aabot sa 268 mga pribadong kolehiyo at nasa 1,013 na mga elementarya at hayskul. Pinagtatakpan ng CHED ang laki ng pagtataas. Sa katunayan, dumoble ang itinaas ng matrikula patungong P86.68 karaniwang dagdag kada yunit ngayong taon mula P43.39 noong 2016. Dumoble rin ang pagtaas sa Other School Fees (OSFs) sa P243.00 mula P115.58 noong nakaraang taon.

Dumoble rin ng P30,000-50,000 ang itinaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa nakaraang 5 taon. Aabot na sa P60,000-100,000 ang karaniwang binabayaran sa matrikula ng mga mag-aaral bawat taon. Dahil dito, umaabot sa 80% ng mga pumapasok sa kolehiyo ang humihinto sa pag-aaral taon-taon. Samantala, bilyon-bilyon ang kinakamal na tubo ng malalaking mga paaralan. Aabot sa P3,066,344,176 ang tubo sa nakaraang taon ng Far Eastern University (FEU).

Tinitiyak ng mga patakaran kagaya ng Education Act of 1982 at mga kaukulang CHED memo hinggil sa matrikula ang deregulasyon sa matrikula at mga bayarin sa mga pribadong pamantasan na nagtutulak ng taon-taong pagtataas ng mga matrikula at mga bayarin.

Makadayuhan, pahirap na K-12
Samantala, lumalabas na umaabot sa 2.49 milyon ang high school drop-out sa mga paaralan dahil sa programang K-12 na sinimulang ipatupad sa nakaraang taon. Sa nagtapos ng junior high school na aabot sa 3.9 milyon, nasa 1.41 milyon lamang ang tumuloy sa senior high school.

Nangangahulugan ito ng mas malaking reserba ng sobrang lakas paggawa na lalo pang mababarat ng mga kapitalista sa pamamagitan ng mas mababang sahod at malawakang kontraktwalisasyon. Lalo pa itong lalaki kung magtutuloy pa ang susunod na taon ng K-12, kung saan tiyak, mas marami ang hindi na makakapagpatuloy ng kolehiyo.

Habang pabigat at pahirap sa mamamayan, ang pinakamalalaking kapitalista-edukador naman ang nakinabang sa programa. Ang pondo na inilaan ng gubyerno sa K-12 sa pamamagitan ng vouchers ay ibinuhos sa mga pribadong pamantasan. Pinakamalalaking kinita mula rito ang STI Computer College na aabot sa P825,550,000.

Matapos ang unang taon ng pagpapatupad nito, lalong lumilinaw ang oryentasyong makadayuhan at pabor sa malaking negosyo ng K-12. Dapat kumilos ang mga mag-aaral, magulang at mga guro laban sa bulok, pahirap at makadayuhang K-12.

Samantala, itinutulak ng rehimeng Duterte, kasabay ng mga pasistang hakbangin nito laban sa mamamayan ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) program sa senior high school at mga kolehiyo. Ito, kasabay ng militarisasyon ng mga kampus at iba pang mga patakarang mapanupil sa paaralan.

Padagundungin ang paglaban
Sa harap ng mga hakbang na ito, dapat higit na palakasin at palawakin ang nagkakaisang paglaban ng mga mag-aaral, magulang, guro at kawani sa buong bansa.

Dapat ilunsad ang mga malalaking demonstrasyon sa loob at labas ng mga SUCs at LUCs para igiit ang libreng edukasyon at laban sa anumang porma ng paniningil at panghuhuthot sa mga pamantasan. Dapat itulak ang pagbabasura ng mga iskema ng komersyalisasyon at pribatisasyon gaya ng socialized tuition, other school fees at iba pa. Dapat hamunin ang rehimeng Duterte na ipatupad ang patakaran libreng edukasyon sa lahat ng antas sa buong bansa at talikuran ang komersyalisasyon ng mga pampublikong mga pamantasan.

Dapat malakas na labanan ang pagtataas ng matrikula at mga bayarin at itulak ang pagbabasura ng mga patarakan ng deregulasyon at komersyalisasyon ng edukasyon. Dapat ilunsad ang malalaking protesta lalo na sa mga high schools para sa kagyat na pagtigil ng programang K-12. Dapat harangin ang planong mandatory ROTC at sa halip, igiit ang tuluyang pagbasura ng programa.

Dapat labanan ang mga neoliberal na atake sa kurikulum, programa at kabuuang sistema ng edukasyon at ibasura ang kolonyal, komersyalisado at pasistang edukasyon at ipaglaban ang edukasyong makabayan, siyentipiko at pangmasa. Dapat ikawing ang paglaban na ito sa mga pakikibaka ng batayang masa at pag-ambagin sa pangkalahatang paglakas ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *