Gabay sa propaganda para sa kampanya at pakikibakang masa (Unang Kwarto 2012)
Inihanda ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng Anakbayan
Enero 2012 Borador

Matagumpay ang ating mga pagkilos noong nakaraang taon laban sa budget cuts at bulok na sistemang panlipunan. Lumikha muli ng kasaysayan ang mahigit 20,000 na mga mag-aaral, guro, kawani, at administrador na nagkaisa at nag-strike sa buong bansa noong Setyembre. Nagtuloy-tuloy ang mga protesta ng kabataan at mamamayan hanggang sa campout noong Disyembre.

Malakas nating inihayag ang pagtutol sa muli na namang pagkaltas ng pondo para sa edukasyon at serbisyong panlipunan. Nakiisa tayo sa mamamayan sa pagsasabing sawang-sawa na tayo sa bulok na sistemang pahirap sa taumbayan.

Nagkapili-pilipit sa pagsisinungaling at pagpapalusot ang gubyernong Aquino, ngunit bigo ito sa panloloko at panghahati sa ating hanay. Sa takot nila sa ating pagkakaisa, hinarap nila ng duwag na karahasan ang ating pagkilos noong Disyembre, ngunit bigo sila na mapaatras ang ating paglaban.

Dahil sa sama-samang paglaban, napilitan silang magdagdag ng mahigit P200 milyon sa pondo ng PGH at dagdag chalk allowance sa mga kaguruan. Kamakailan lamang, naglaan din ng dagdag na P4.2 bilyon na pondo para sa mga SUCs.

Kaltas pondo, tuition hikes at K12: bulok na sistemang pang edukasyon

Subalit bukod sa lubhang maliit pa din ang idinagdag kumpara sa P40 bilyon na kailangan, hindi pa ito direktang ibinigay sa mga pamantasan. Mistulang pork barrel ito ng CHEd na kondisyunal sa mga programang pang komersyalisa.

Samakatuwid, nananatiling maliit at kinaltasan ang mga pondo ng pamantasan at serbisyong panlipunan habang dinagdagang muli ang pondo para sa kurupsyon, dole-outs, militar at utang panlabas.

Dapat nating malakas na kondenahin ang pagpapasa ng kontra-mamamayang badyet lalo na’t ang tunguhin ng gubyerno ay higit pa itong kaltasan sa darating na taon. Dapat na magrehistro ng malawak na galit at pagkondena rito ang mga kabataan at mamamayan lalo’t maagang inihahanda ang badyet para sa susunod na taon.

Tiyak na titindi pa ang komersyalisasyon at mga hakbangin para itaas ang matrikula at mga bayarin sa pamantasan, gayundin sa mga serbisyo ngayong taon dahil sa mga budget cuts. Muli na namang itinutulak ang mga iskema ng pagtataas ng matrikula at singilin sa iba’t ibang SUCs habang lumulubha ang prublema ng kakulangan ng mga pasilidad at kawalan ng pondo para sa operasyon.

Sa mga pribadong pamantasan, higit na lumalakas ang loob ng mga kapitalista-edukador na magtaas ng bayarin dahil sa direksyon din ng gubyerno na magkomersyalisa. Kabi-kabila na namang ang nakatakdang pagtataas sa napakamahal na ngang matrikula at hindi makatwirang mga bayarin.

Nananatiling walang aksyon ang gubyernong Aquino sa taon-taon na pagtataas ng matrikula at mga hindi makatwirang bayaring sinisingil ng mga pamantasan. Tinataya pang tataas ng mahigit 10-15% ang matrikula ngayong taon sa mahigit 400 na pamantasan. Sa pagtindi ng patakaran ng komersyalisasyon ng edukasyon, higit na mas marami ang pagkakaitan ng kanilang karapatan at kinabukasan.

Imbis na tugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon, pursigido ang rehimen na ipatupad ang dagdag-taon sa HS sa pamamagitan ng K12. Dagdag pahirap at krisis ang idudulot nito sa mga magulang, at higit na pabigat sa bulok na ngang kalidad ng edukasyon dahil sa kakapusan ng pondo. Lalo nitong patitibayin ang kolonyal at elitistang katangian ng edukasyon.

Malinaw ang tunguhin ni Aquino: higit na pagkakait ng karapatan sa edukasyon at pagpapasahol ng katangian nito na komersyalisado, kolonyal at pasista.

Dapat kumilos ang kabataan at mamamayan upang biguin ang muling pagtaas ng matrikula, pagtindi ng komersyalisasyon at pagkaltas sa pondo at K12. Dapat magkaisa at labanan ang pangkalahatang patakaran sa edukasyon ng rehimen at likhain ang malawak na kilusan laban sa kolonyal, komersyalisado at pasistang edukasyon.

Tumitinding krisis at atake sa kabuhayan ng mamamayan

Dagdag pahirap pa sa mamamayan ang sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng langis at mga bilihin na bumungad ngayong taon. Noong nakaraang taon, 44 na beses nagtaas ang presyo ng langis na aabot sa kabuuang P11. Sa unang dalawang linggo pa lang ng 2012, nagtaas na ng apat na beses, o P2.70 kada litro, habang nasa P0.80 lamang ang inirolbak. Nagtaas din ang LPG ng mahigit P99 kada tangke sa unang buwan pa lamang ng taon.

Ayon sa mga pag-aaral, noong nakaraang taon ay nag-overprice ng mahigit P9 kada litro ang kartel. Umaabot sa P200,000 kada oras ang kinikita ng mga kumpanya ng langis dahil sa panggogoyo nito sa taumbayan.

Kasabay nito, nagtaas rin ang singil ng kuryente (Meralco 6.8%, Napocor 14.2%), tubig (Manila Water 25%, Maynilad 35%), at toll sa SLEX. May nakaamba rin na 100% pagtaas ng pamasahe ng LRT-MRT. Dahil dito, umaabot na sa lagpas P1000 ang kinakailangan ng isang karaniwang pamilya para mabuhay ng matiwasay, habang nakapako naman ang minimum wage sa P404 sa NCR.

Bumungad agad sa unang buwan ng taon ang marahas na demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan. Direksyon ng gubyerno na idemolish ang kalakhan sa mahigit 2.5 milyong Pilipino na informal settlers sa NCR at sa buong bansa para sa paglalarga ang Public Private Partnership (PPP) projects ni Aquino.

Kongkretong nararanasan ng mamamayan ang malagim na epekto ng bulag na pagtalima ni Aquino sa patakaran ng neoliberal na globalisasyon at pagpabor nito sa interes ng dayuhan at iilan. Habang pinababayaan ang kapakanan ng mamamayan, protektor naman ito ng mga kartel at malalaking negosyo at dayuhan.

Tampok ngayon ang pagsusulong ni Aquino ng impeachment ni Chief Justice Renato Corona. Bagama’t marapat na panagutin si Arroyo at si CJ Corona, hindi sinsero ang rehimeng Aquino sa mga hakbanging ito. Ang hangad nito sa impeachment trial ay ilihis ang atensyon ng publiko mula sa kanyang pananagutan sa hindi pagpapanagot kay Arroyo, pagtakpan ang kainutilan nito sa pagtugon sa mga karaingan ng taumbayan at baliktarin ang ruling ng Korte Suprema na ipamahagi ang Hacienda Luisita. Samantala, tumitindi naman ang kurupsyon at kabulastugan ng kanyang mga kaklase, kabarkada, kabarilan at kapartido. Pabor sa kanyang mga kroni ang mga patakaran at kontrata ni Aquino sa PPP.

Imbis na tugunan ang prublema ng mamamayan, pinasasahol ni Aquino ang panlilinlang at pandarahas sa mamamayan. Tampok sa marahas na dispersal nito sa protesta noong Disyembre ang pasistang katangian ng rehimen. Panlilinlang ang mga dole-outs na CCT ni Aquino habang itinutuloy nito ang pandarahas at panunupil sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Kamakailan lamang, tatlong mag-aaral ng UP ang hinaras ng militar habang nagfifield work sa Pampanga. Bigo din ito sa pananagot sa mga pasistang militar na may utang na dugo sa mamamayan kabilang si Jovito Palparan.

Nakalatag na ang plano para sa pagpapatindi ng interbensyon ng Estados Unidos sa ating bansa. Matapos ang umano’y “terror threat” noong Enero, bigla na ngayong nag-aanunsyo ng iba’t ibang antas ng pakikipag-usap ang rehimen sa US para dagdagan ang tropa nito sa Pilipinas at patindihin ang panghihimasok nito at pagbabase sa bansa.

Sawang-sawa na tayo! Palawakin ang pagkakaisa, patindihin ang paglaban

Hindi na natin maaari pang hayaan ang pambubusabos at pagpapahirap ng naghaharing sistema ng iilan at dayuhan sa mamamayan. Sa harap ng patong-patong na pahirap, papalaki at papatinding paglaban din ang ating dapat na itapat.

Mabisa ang naging pagkakaisa at malawak na pagkilos natin noong nakaraang taon na dapat nating ipagpatuloy, palawakin at higit pang palakasin. Muli nating pagtibayin ang pagkakaisa at ikasa sa mga pamantasan, komunidad at pagawaan ang mga strike, walk-out at malalaking martsa.

Nanawagan tayo muli sa kabataan at mamamayan ng malalaking pagkilos sa mga susunod na buwan. Tanging sa nagkakaisang tinig at pagkilos natin maipaglalaban ang ating mga karapatan at mabibigo ang mga hakbangin ng rehimen laban sa bayan.

Sa Pebrero 20-24, ilunsad natin ang mga walk-outs, strike, camp-outs, occupations sa mga pamantasan, komunidad, opisina at pagawaan. Palakasin natin ang mga lokal na pakikibaka at malakas itong tungtungan para sa pagkilos laban sa rehimen. Kumilos tayo sa Pebrero 28, deadline ng mga konsultasyon sa pagtataas ng matrikula at mga bayarin.

Sa Marso 1 at 2, nanawagan tayo ng malalaking mga protesta at pagkilos sa mga sentro at mga tarangkahan ng kapangyarihan. Padaluyungin natin ang protesta at tipunin ang malawak na galit ng kabataan at mamamayan sa bulok na sistema at rehimeng Aquino.

Labanan ang pagtaas ng matrikula at mga bayarin! Labanan ang budget cuts! Ibasura ang K12! Ipaglaban ang makabayan, siyentipiko at pangmasang edukasyon!

Sahod itaas, presyo ibaba! Itigil ang mga demolisyon sa komunidad!

Labanan ang Oplan Bayanihan! Labanan ang tumitinding interbensyon ng imperyalismong US!

Ibagsak ang bulok na sistema! Labanan ang rehimeng US-Aquino!

Isulong ang Pambansang Demokrasya!