Noong Pebrero 28, matagumpay na naikasa ng nagkakaisang mga drayber ng jeepney sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng Mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at No To Jeepney Phase Out Coalition ang isang pambansang strike laban sa napipintong pag-phase-out ng pamahalaan sa jeepney.

Ayon kay PISTON National President George San Mateo, nagawang lumpuhin ng strike ang halos 85% ng pampublikong transportasyon sa buong bansa. Pinakamalaking indikasyon ng tagumpay na ito ang pagsuspinde ng klase sa araw ng pambansang strike.

Ayon sa Piston, ang phase-out ay maaaring magresulta sa pagkawala ng trabaho ng halos 650,000 tsuper at 250,000 operator sa buong bansa. Kapalit ng mga jeepney ay mga e-jeepney at Euro 4 engine na sasakyan na nagkakahalaga ng hihigit sa isang milyong piso. Maliban sa ubod ng mahal ay hindi rin angkop ang disenyo ng mga nasabing sasakyan sa bulubunduking kalupaan ng Pilipinas.

Higit sa lahat, ang phase-out ay unang hakbang lamang sa planong pagpapaloob ng pampublikong transportrasyon sa tinatawag na Fleet Management Program kung saan ang mga malalaking negosyante ang kokontrol sa jeepney, prangkisa, at kita.

Ayon sa Joint Manifesto na inilabas ng PISTON at No To Jeepney Phase Out Coalition (NJPOC), ang kunwang “modernisasyon” na ito ay hindi para sa mamamayan kundi para sa interes ng higanteng dayuhang korporasyon at malalaking lokal na negosyante. Ito ay bahagi lamang ng walang katapusang atakeng neoliberal sa mga serbisyong pampubliko tulad ng pampublikong transportasyon.

Tulad ng pribatisasyon sa tubig, kuryente at edukasyon, ang “modernisasyong” ito ay para sa mga kapitalistang hayok na hayok sa kitang mahuhuthot sa pampublikong transportasyong, lalo na’t isa ito sa natitirang serbisyo na hindi pa hawak ng pribadong sektor.

Sa halip na phase-out ay iginiit ng mga tsuper na ibigay ang sektor ng transportasyon sa mamamayan. Ito ay nangangahulugan ng pagsasabansa ng sektor ng transportasyon. Nanawagan din ang mga tsuper ng modernisasyon na nakabatay sa pambansang industriyalisasyon.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *