Nitong Hunyo 3, sama-samang nagpahayag ng pagtutol ang mga guro at estudyante matapos ilabas ng Commission on Higher Education (Ched) ang mga Ched Memorandum Order No. 13-48, Series ng 2017 na lumalabag sa temporary restraining order (TRO) laban sa pagtanggal sa mga subjek na Filipino at panitikan sa kolehiyo.

Ayon sa nilabas na pahayag ng alyansang Tanggol Wika, ang nasabing mga memo ay lumalabag sa napagkasunduang TRO.

Higit pa, nanawagan ang alyansa na respetuhin ang pambansang wika at ang pakikibaka ng mamamayan para sa makabansang edukasyon na tumutugon sa mga pangangailan ng bansa.

Ayon naman sa Anakbayan, ang panibagong tangka ng Ched na tanggalin ang pagtuturo ng Pilipino at Panitikan sa kolehiyo ay patunay lamang ng patuloy na pagkiling ng kasalukuang pamahalaan sa mga neoliberal na patakaran na siyang nagtutulak sa lahat ng mga pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon na tumugon sa interes ng dayuhan at iilan.

Dagdag pa ng grupo, sa halip na pagyamanin ang sariling mga wika, kultura at makabansang edukasyon, mas mahalaga sa kasalukuyang pamahalaan na lumikha ng mga murang lakas- paggawa na madaling ilako sa ibang bansa. Puno’t dulo ng isyung ito ang patuloy na pagkagapos ng bansa sa kolonyal na pambubusabos.

Nakatakda ang iba’t ibang grupo na magsagawa ng kilos protesta kaagapay ng pagsasampa ng kaso sa Korte Suprema laban sa nasabing hakbang ng Ched.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *