PulangAraw2

Mahigit dalawang taon na mula nang unang ipalabas sa telebisyon ang Ang Probinsyano, isang seryeng action drama na hango sa pelikula ni Fernando Poe Jr. noong 1997 sa ilalim ng parehong pamagat. Pinagbibidahan ito ni Coco Martin na gumaganap bilang si Ricardo “Cardo” Dalisay. Ang serye ay ipinalalabas sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Hindi maitatanggi ang kasikatan ng Ang Probinsyano. Matapos ang lagpas 500 episodyo, tinututukan at sinusubaybayan pa rin ang palabas ng madla at palagiang nasa listahan ng “Most Watched Shows in the Country.”

Nitong katatapos na taon lamang, sunod-sunod ang pasistang atake ng estado sa mamamayang Pilipino, lalong-lalo na sa mga masang anakpawis. Sa ilalim ng “Gera Kontra Droga” na inilunsad ng rehimeng US-Duterte, libu-libong maralitang lungsod ang napaslang at patuloy na pinapaslang. Ang primaryong tagapamandila ng kampanyang ito ay ang Philippine National Police (PNP). Ngunit pagpatak ng 7:45 n.g., tila hinuhugasan ni Cardo Dalisay ang mga madudugong kamay ng mga berdugong kapulisan. Binubura ng Ang Probinsyano sa naratibo ang bulok na institusyon ng PNP bilang galamay ng pasistang estado, at sa halip ay binibihisan ito sa pamamagitan ni Cardo bilang bayaning walang takot na bumabangga sa malalaking sindikato, negosyante, at pulitiko. Kahit na sa katunayan ay ang mga pulis pa nga ang mga tagapagprotekta sa mga ito. Malinaw na nagiging payong ng estado ang mga palabas tulad ng Ang Probinsyano sa harap ng tumitinding krisis ng lipunang Pilipinas.

Sa ikatlong season ng Ang Probinsyano, kasalukuyang umiikot ang kuwento ni Cardo sa arko ng rebelyon. Ipinakilala sa serye ang “Pulang Araw,” isang grupong itinuturing na banta sa demokrasya ng bansa. Sila’y naghahangad ng pagbabago, tumutuligsa sa gobyerno, at naglulunsad ng digmaan sa kanayunan. Hindi maitatanggi ang pilit na paralelismo ng Pulang Araw sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Walang teorya o malinaw na praktika, walang salang binuo ang kathang-isip na grupong ito gamit ang mga haka-haka at estereotipong pananaw tungkol sa mga tunay na mamamayang lumalaban. Sa serye, ipinakita kung paano madaling kontrolin ni Defense Minister Renato Hipolito (John Arcilla) ang isang paksyon ng Pulang Araw gamit ang pera at korapsyon. Pinamumunuan ni Homer “Alakdan” Adlawan (Jhong Hilario), ang paksyon ng Kamandag na siyang binayaran upang magsagawa ng pambobomba sa loob ng iba’t ibang pampublikong lugar (tren, simbahan, at mall). Ipinakita rin sa isang episodyo kung paano kinausap ng isang tatakbong gobernador sina Alakdan upang gumawa ng gulo at takutin at patayin ang mga kalaban nito kapalit ng pera ang kapangyarihan.

Hindi direkta ngunit malinaw ang mensahe na gustong iparating ng Ang Probinsyano. May kamalayan ito sa lawak ng kaniyang tagapanood at hindi aksidente ang mga ideya at kaisipan na ipinakakalat nito. Kaya hindi nakakapagtaka ang pagpapalabas ng ganitong mga eksena sa telebisyon halos kasabay ng pagguho ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Duterte at National Democractic Front at sa pagdedeklara sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan bilang mga ‘terorista’. Bukod sa pandarahas at pagpaslang, hindi maitatwang ang masmidya at industriya ng kultura, sining, at aliwan ay ginagamit din ng estado upang supilin ang paglaban ng mamamayan at magpakalat ng kaisipan at ideolohiya na gumagawang lehitimo sa naghaharing kaayusan. Ang masmidya ay isang ideolohikal na aparato na nagsisilbing tagapanatili ng kolonyal, pyudal, pasista at iba pang atrasadong kaisipan.

Noong 2016, nagpalabas ang Maalaala Mo Kaya (MMK) ng isang istorya tungkol sa isang anak ng mag-asawang miyembro ng BHB na ngayon ay isa nang sundalo sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP). At maging ang ligal na demokratikong kilusan ay hindi ligtas sa di-makatarungang paglalarawan sa iilang programa sa telebisyon. Nito lamang Disyembre 29, naglabas ang Bubble Gang, isang gag show sa GMA, ng iskit kung saan direktang inaatake ang grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap). Ang eksena ay ginanap sa isang piket line na makikitang sa hanay ay nasa harap ang mga lalaki at nasa likod ang mga babae at kaharapan ng mga “militante” ang mga armadong pulis. Habang binubuwag ng isang pulis ang barikada sinabi nito, “May nagmamay-ari na sa mga pabahay na yan. Ilegal ang ginagawa ng mga Kadamay.” Sinagot siya, “Hindi kami Kadamay, Kasiping kami! Hindi bahay ang i-ookupa namin, kundi mga tiwangwang na kababaihang iniwanan, o hindi na binalikan ng kanilang mga asawa!”

Sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon, hindi lamang nito binabago ang pulitika at ekonomya kung pati na rin ang kultura. Bahagi nito ang pagpapalaganap ng proletaryo at rebolusyonaryong mga ideya at kaisipan. Ang rebolusyong pangkultura na ito ay isang makapangyarihang sandata upang mulatin, organisahin, at pakilusin ang masa nang may isang nag-aalab na damdamin at isipan. Itinataguyod at sinusulong nito ang alternatibong kulturang sasalungat, babangga, at dudurog sa nangingibabaw na reaksyunarong oryentasyon at ipapalit ang pambansa, siyentipilko, at makamasang kultura at porma ng sining.

Noong nakaraang taon, inanunsyo ng produksyon sa likod ng Ang Probinsyano na matatagalan pa bago sila mag-ere ng finale. Patatagalin pa raw nila ang palabas hanggang ngayong 2018. Ngayong 2018 din, ginawang layunin ng PKP-BHB at ng pinakamalawak na nagkakaisang prente na tuluyang wakasan at pabagsakin ang rehimeng US-Duterte. Magtatapos ang teleserye ngunit patuloy ang paglaban ng mga tunay na ‘Pulang’ mandirigma. #

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *