Mabilis na iniratsada sa Kongreso ang pagpasa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o House Bill 5636 na ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa nitong Mayo 31, 2017.

Sa kabila ng pagpapakete nito bilang isang populistang hakbang na magpapababa ng income tax, ang panukala ay isang kontra-mahirap na iskemang lalong pipiga sa mamamayan.

Itataas sa mula P7 sa 2018, P9 sa 2019 hanggang P10 sa 2020 ang buwis sa leaded at unleaded premium gasoline. Magiging P3 sa 2018, P5 sa 2019, hanggang P6 sa 2020 naman ang buwis sa kerosene, diesel fuel oil, LPG, at kada kilogram ng aspalto, atbp.

Papatawan din ng P10 excise tax ang mga sugar-sweetened beverages kabilang na ang mga juice drinks, tea and coffee, carbonated beverages, flavored water, energy drinks, sports drink, powdered drinks, cereal beverages, atbp. Maging ang mga pabahay na may renta na mahigit P10,000 kada buwan ay tinanggalan na rin ng exemption sa value-added tax.

Ang mga malalaking korporasyon at mayayamang indibidwal lamang ang makikinabang sa paglawak sa mga “tax exemption schemes” upang diumano magengganyo ng dagdag na pamumuhunan.

Mariing tinututulan ng Anakbayan ang pagtataas ng buwis sa mga kalakal at serbisyo na tulak ng mga neoliberal na teknokrata sa loob ng gabinete ni Duterte.

Ayon sa grupo, magreresulta lamang ito ng pagtaas sa halaga ng transportasyon, pamasahe, presyo ng mga bilihin, at kuryente sa kabila ng dati nang pagkasadlak ng mamamayan sa mataas na buwis, mababang sahod, kontraktwalisasyon, at kawalan ng abot-kayang serbisyong pampubliko.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *